(Update) Tourist bus naaksidente; 6 patay, 38 sugatan

batangas
Anim katao ang nasawi habang mahigit 38 pa ang nasugatan nang maaksidente ang tourist bus na magdadala sana sa isang grupo ng mga guro sa isang resort sa Mataas Na Kahoy, Batangas, Biyernes ng umaga, ayon sa pulisya.

Nasawi sina Christy Cariman, 54; Evangeline Sibal, 21; Eva Percival, Carina Untalan, at dalawang di pa kilalang babae, sabi ni Insp. Mary Anne Torres, tagapagsalita ng Batangas provincial police.

Unang inulat ng pulisya na mahigit 50 katao ang sugatan, ngunit nang hapon ay iwinasto ang bilang sa 38.

Naganap ang aksidente dakong alas-8:30, habang minamaneho ni Christopher Plando ang GRM bus (DWX-480) sa Brgy. San Sebastian, ani Torres.

Dadalhin sana noon ng bus ang mga teacher mula sa isang elementary school sa Angono, Rizal, patungo sa Shercon Resort ng Mataas Na Kahoy, aniya.

Apatnapu’t siyam katao ang sakay ng bus nang mahulog ito sa kanal at sumalpok sa isang puno, ani Torres.

Marami sa mga sakay ng bus ang nasugatan kaya dinala ng mga pulis at residente sa ospital, pero dalawa ang idineklarang patay sa Metro San Jose Hospital, isa sa San Jose District Hospital, at isa pa sa Mary Mediatrix Medical Center ng Lipa City, aniya.

Ang iba pang sakay ng bus ay dinala sa Lipa Medix Medical Center. Lima naman ang hindi nasugatan.

Inaalam pa ng lokal na pulisya ang sanhi ng aksidente, habang isinusulat ang istoryang ito.

Read more...