MAY imbitasyon kay 8-time world boxing champion Manny Pacquiao na lumaban para sa bansa sa darating na 2016 Rio Olympics.
Sa mga panayam bago ang laban niya kay Timothy Bradley noong Abril 10 sa Las Vegas ay sinabi nitong interesado siyang lumahok sa Olympic Games para sa pagka-kataong mabigyan ang Pilipinas ng kauna-unahan nitong gintong medalya.
Sa panayam kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson noong Miyerkules, kinumpirma niya ang naturang imbitasyon kay Pacquiao pero sinabing hindi pa niya nakukuha ang ‘final answer’ mula sa boxing icon na kasalukuyang nangangampanya para sa pagka-Senador.
“The last time we talk, sabi niya ay tatapusin muna niya ang laban niya kay Bradley bago siya makipag-usap muli sa AIBA,” sabi ni Picson. “Now that he won over Bradley, hindi ko pa siya nakakausap kung ano talaga ang kanyang pinal na desisyon sa offer sa kanya ng AIBA.”
Matatandaang una nang ipinahayag ng kampo ni Pacquiao ang pakikipag-usap dito ng presidente ng AIBA na si Dr. Ching-Kuo Wu mula sa Taiwan na naggagarantiya rito ng isang wild card seat para makasabak sa Olympic Games na gagawin sa Rio de Janeiro, Brazil sa Agosto 5-21.
Kahit noong nag-uumpisa pa siya sa boxing ay hindi napabilang si Pacquiao sa pambansang koponan.
Hindi lamang si Pacquiao ang pro boxer na nagnanais na makasabak sa Rio Olympics dahil kumpirmado na ang pagsali ni world heavyweight champ Wladimir Klitschko ng Russia na dating Olympic gold medalist.
Inihayag din ni Picson na asam nitong makapagkuwalipika pa sa apat na dibisyon sa pagsabak nito sa huling torneo sa Hunyo kung saan pipiliin pa nito ang mga ipapadalang boksingero. Apat katao ang ipapadala sa mga kategorya na hindi pa nakakapagkuwalipika ang Pilipinas.
Una nang ipinadala sina Rogen Ladon (light flyweight, 49 kg), Roldan Boncales (flyweight, 52 kg), Mario Fernandez (bantamweight, 56 kg), Charly Suarez (lightweight, 60 kg), Eumir Felix Marcial (welterweight, 69 kg) at ang tanging babae sa delegasyon na si Nesthy Petecio (women’s flyweight, 51 kg) sa Asia-Oceania Qualifying Tournament.
Tanging sina Ladon at Suarez lamang ang nakakuha ng silya sa Rio Olympics.
Inaasahan pa rin ang box-off sa pagitan ng tatlong babaeng boxers na magtatangka para sa natatanging silya sa delegasyon sa pagsagupa sa AIBA Women’s World Championships sa Mayo.