2-0 series lead nakuha ng San Antonio Spurs, Atlanta Hawks

ATLANTA — Nilimita ng Atlanta Hawks ang Boston Celtics sa pinakamababang puntos sa unang yugto sa playoffs tungo sa pagtala ng 89-72 pagwawagi kahapon at 2-0 lead sa kanilang opening-round series.

Pinangunahan nina Al Horford at Kyle Korver ang Atlanta sa ginawang tig-17 puntos sa laro na agad nadesisyunan sa naunang 12 minuto.

Inumpisahan ng Hawks ang laro sa pagtira ng 9 of 13 mula sa field, kabilang ang anim mula sa 3-point arc. Si Korver ay naghulog ng apat mula sa long range, na malayo sa ginawa nitong 1-of-10 shooting sa Game 1 at hindi kinabilangan ng 3-pointers. Nakalamang ang Atlanta, 24-3, sa unang anim at kalahating minuto ng laro.

Hindi man nakaiskor sa nalalabing bahagi ng nasabing yugto, nagawa pa rin makalamang ng Hawks, 24-7, patungo sa ikalawang yugto.

Ang Game 3 ay gagawin sa Sabado sa Boston.

Spurs 94, Grizzlies 68
Sa San Antonio, umiskor si Patty Mills ng 16 puntos habang si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 13 puntos para sa San Antonio Spurs na tinambakang muli ang Memphis Grizzlies.

Si LaMarcus Aldridge ay nag-ambag ng 10 puntos at walong rebounds. Tuluyan namang pinagpahinga si Aldridge sa ikaapat na yugto kasama sina Leonard at Tony Parker habang sina Tim Duncan at Danny Green ay sandaling pinaglaro.

Read more...