HAHANAPIN ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ang susunod na mga batang kasinghusay ni Grandmaster Wesley So sa pagsasagawa ng National Juniors Chess Championship sa Abril 23 hanggang 27 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sinabi ni NCFP executive director at GM Jayson Gonzales na inaasahan nito sa limang araw na torneo ang pagsali ng mahigit sa 100 woodpushers mula sa 18 rehiyon ng bansa hindi lamang para sa korona kundi pati na rin sa karapatan na irepresenta ang Pilipinas sa gaganapin na World Juniors Chess Championships sa Agosto 7-21 sa India.
“The top girl and boy will earn the right to compete for flag and country in the World Juniors in India this August,” sabi ni Gonzales. “Hopefully, by holding this tournament as well as our age-group events, we could produce gems like Wesley So.”
Hahagilapin sa torneo na bukas para sa lahat ng chess players na may edad 20-anyos pababa ang dalawang pambato ng Pilipinas para ilahok sa World Juniors Chess Championships.
Sinabi ni Gonzales na nagsimula na ang kanilang rehistrasyon hanggang sa Abril 22. Ang mga interesado ay maaaring tumawag sa NCFP secretariat o kay Edmundo Gatus sa 0939-8655151.
Samantala, idinagdag ni Gonzales na magpapadala ito ng isang fighting delegation sa 17th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Age-Group Championship na gaganapin Mayo 29 hanggang Hunyo 7 sa Pattaya, Thailand.
Pamumunuan ni International Master Paolo Bersamina ang 42 kataong delegasyon na nakasama sa koponan matapos na magwagi sa kani-kanilang kategorya sa isinagawang Age Group Finals sa Ilocos Sur.
“We’re sending the best of the best and we’re confident of our chances there,” sabi ni Gonzales.