SA debate ng mga tumatakbong bise presidente noong Sabado ay naglahong parang bula ang kredibilidad ni Sen. Alan Peter Cayetano nang ipagtanggol niya ang mga binitawang salita ng ka-tandem na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ukol sa panggagahasa at pagpatay sa isang Australyana noong 1989.
Bago niya simulan ang arya niya sa pagiging tagapagtanggol daw ng kababaihan si Duterte ay naglinya muna si Cayetano nang walang makapipigil sa kanyang magsalita kung may nakikita siyang mali.
At dahil wala siyang nakitang mali sa sinabi ni Duterte na, “Nagalit ako kasi ni-rape? Oo…Pero napakaganda, dapat mayor muna ang nauna. Sayang,” katakot-takot na pagdepensa ang ginawa niya.
Nariyang ipunto niya na si Duterte lamang ang lumalaban nang tunay para sa mga babae at may adbokasya siya para protektahan ang mga babae kaya bawal ang bathing suit sa mga beauty contest sa Davao.
Na kesyo hindi mangingimi ang ka-tandem na isubo ang sarili sa panganib maisalba lang ang buhay ng iba.
Hindi ganito ang sagot na inaasahan ng publiko kay Cayetano, na kamakailan lamang ay halos dikdikin ang katunggali sa posisyon na si Sen. Bongbong Marcos kaugnay sa isyu ng pandarambong noong panahon ng manunungkalan ng ama nito.
Ang inaasahan ng taumbayan ay kakastiguhin at ipapahiya, gaya ng ginawa niya kay Marcos na kinabiliban ng marami, ang ka-tandem dahil sa nakakatakot/nakakainis/nakagugulat nitong pahayag ukol sa biktima ng pagpatay at panggagahasa.
Tuloy ang nakuha ng masa sa ginawa ni Cayetano ay ang mali lamang ng mga kalaban ang kanyang nakikita pero bulag siya sa mali ng mga kakampi. (Anino lang ni PNoy ang peg, sir)
Kaya hindi na kami magtataka kung magbaligtaran at maglayasan ang mga humanga kay Cayetano noong halos ilampaso niya si Marcos sa sahig noong nakaraang debate dahil gaya ng maraming politiko ay wala rin pala siyang kredibilidad.
GAYA ng kanyang ka-tandem na si Interior Sec. Mar Roxas, parang siguradong-sigurado na ng panalo itong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Hirit pa ni Leni na abot-kamay na umano nila ni Roxas ang tagumpay, kahit na ngayon pa lamang siya nakakaarangkada sa mga preelection survey habang nanatiling kulelat si Mar.
May niluluto na ba ang naghaharing Liberal Party, na pinangungunahan ni outgoing President PNoy, kaya ganoon na lang sila kasiguradong mananalo?
Abangan.