Tanungin mo ang kababaihan sa Davao City

ANONG pipiliin ng mamamayan, isang masamang biro o masamang gobiyerno?

Gumagamit si Davao City Mayor at presidential candidate Rody Duterte ng malalaswang salita upang ipaabot ang kanyang mensahe.

Ang kanyang lenguahe ay lenguahe ng masang Pilipino.

Pinandidirihan ng alta sociedad si Duterte dahil sa kanyang asal at pananalita.

Pero mahal siya ng masa dahil tinuturing nila siya na isa sa kanila.

Ang masa, na noon ay humahanga kay Vice President Jojo Binay, ay lumipat na ang paghanga kay Duterte.

Tandaan n’yo, ang mahihirap at hindi ang mayayaman ang nagluluklok ng kandidato sa Malakanyang.
Lubhang mas marami ang masa kesa sa mga mayayaman sa bansa.

Noong presidential election ng 1998, ang movie actor na si Joseph “Erap” Estrada, na pinandidirihan ng mga mayayaman dahil sa kanyang asal kanto, ay siyang nanalo mismo sa mga teritoryo ng mga milyonaryo, sa rich villages ng Makati.

Bakit? Dahil ang mga mayayaman ay nagbakasyon o hindi bumoto nang sumapit ang eleksiyon.

Ang pinapunta nila sa polling precincts ay kanilang mga kasambahay, hardinero at drayber.

Ang mga kasama sa bahay ng mga milyonaryo ay mas marami sa kanilang mga amo.

Tanungin mo ang mga kababayan natin na may mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa kung sino ang nanalo sa special election para sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Ang sasabihin nila ay si Duterte.

Ang mga OFW ay may impluwensiya sa kani-kanilang mga kamag-anak sa ating bansa kung sino ang kanilang iboboto.

Siyempre, kung sino ang ibinoto ng OFW sa abroad ay iboboto rin ng kanilang mga kamag-anak dito.

Gumawa ako ng survey noong Martes sa  aking public service program na Isumbong mo kay Tulfo (DWIZ, 882 sa piitan) kung galit ang mga listeners kay Duterte dahil sa kanyang binitiwang “rape joke.”

Ang aking programa ay pinakikinggan ng milyon-milyong mga Pilipino.

Anong masasabi nila sa “masamang biro” ni Duterte?

Sa 100 respondents, 10 lang ang nagsabi na galit sila kay Duterte at ang karamihan o 90 respondents ay hindi apektado sa kanyang biro.

Isa sa mga respondent ang parang nagsalita sa lahat ng hindi apektado: “Sinasabi kasi ni Digong ang kanyang loobin. Wala siyang malisya sa kanyang sinabi. Totoo siyang tao. Hindi siya ipokrito. Ang kanyang sinabi ay salitang kanto lang.”

Ang paratang kay Duterte na hindi niya ginagalang ang mga babae ay parang sinasabi na binastos ng pari ang Simbahang Katolika.

Tinatawag ni Digong ang lahat ng babae na nasa tamang edad na “ma’am” kahit na ano ang kanyang estado sa buhay.

Sa administrasyon ni Duterte, ang Davao City Council ay pumasa ng mga ordinansa na paborable sa kababaihan.

At kung ipaparatang mo ang ginagawa ng Davao Death Squad (DDS), isang shadowy group, kay Duterte eh di sinasabi mo na sinasanto ng Davao City mayor ang mga babae.

Kabilang sa mga masasamang-loob na sinasalvage ng DDS ay mga rapists.

Sa Davao City, puwedeng maglakad ang babae, kahit na gaano siya kaganda at kaseksi, sa disoras ng gabi na walang gagalaw sa kanya.

Tanungin mo ang kababaihan sa Davao City.

Read more...