MAGANDANG araw po sa Aksyon Line. Isa po akong empleyado dito sa fish port sa Navotas bilang cashier. May anim na buwan na rin akong nagtatrabaho. Ask ko lang kung anong holiday po ang tawag sa araw ng Kagitingan at magkano po ang dapat kung makuha o tamang pasahod na dapat ibigay sa tulad kung empleyado at para mabigyan na rin ng kaalaman ang ating mga kababayan.
JayAnn Almasa
B-66 Kapitbahayan
Navotas M.M
REPLY: Para sa iyong katanungan Jay-Ann, base na rin sa naging deklarasyon ni Pangulong Aquino sa ilalim ng Proclamation No. 1105, Series of 2015 idineklarabg Regular Holidays, and Special (Non-Working) Days Para sa taong 2016,”
Nilagdaan ni Pangulong Aquino III ang Proclamation 1105, Series of 2015 ayon sa batas ng Pilipinas, partikular ang Republic Act (RA) No. 9492, nilagdaan ng 24 Hulyo 2007, na inamyendahan ng Section 26, Chapter 7, Book I of Executive Order (EO) No. 292, na kilala bilang Administrative Code of 1987, na nagdedeklara ng mga araw, tiyak o nalilipat, bilang special o regular holiday.
Patakaran sa tamang pasahod ng regular holiday ay ang mga sumusunod:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, tatanggap siya ng 100 porsiyento ng kanyang arawang sahod. (Arawang sahod + Cost of Living Allowance x 100%)
Kung ang empleyado ay nagtrabaho, tatanggap siya ng 200 porsiyento ng kanyang regular na sahod para sa unang walong oras. (Arawang Sahod + COLA x 200%)
Kung ang empleyado ay nagtrabaho ng mahigit sa walong oras (overtime work), tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw. (Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang kita na 200 porsiyento. [(Arawang kita + COLA) x 200%] + 30% Arawang kita x 200%)
Kung ang empleyado ay nagtrabaho ng higit sa walong oras (overtime work) sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, makatatanggap siya ng karagdang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita. (Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200% x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.
Usec Nicon Fameronag DOLE
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.