LEGAZPI City — Limang batang boksingero ng Team Pacquiao-South Cotabato ang patuloy na humahataw sa 2016 Albay Palarong Pambansa habang limang gintong medalya naman ang inuwi ni Isabella Louise Sta. Maria ng National Capital Region (NCR) sa secondary artistic gymnastics upang tanghaling most bemedalled athlete dito sa St. Agnes Gymnasium sa bayan ng Daraga.
Habang isinusulat ito ay perpekto na magtatangkang tumuntong sa kampeonato ang limang boksingero na mula sa kampo ni Pinoy boxing champion Manny Pacquiao na mula SOCCSARGEN sa ginaganap na boxing event sa Peñaranda Park sa Old Albay District sa Legazpi City.
Nakatakdang sumagupa para sa pilak sina Jason Denonong sa 38kg, Charles Kenneth Corminal sa 40kg, Kent John Laconse sa 42kg, Criz Russu Laurente sa 46kg at si Dave Mark Apolinario sa 49kg.
Nagwagi naman ang 16-anyos na si Sta. Maria sa floor exercise, balance beam, vault, individual all-around at team event para maging unang atleta na nakapag-uwi ng limang ginto. Tanging nabitiwan ni Sta. Maria ang single bar na napalunan ng kakampi na si Shantel Gruenberg.
Unti-unti naman nagpapamalas ng pag-angat ang mga atleta mula sa rehiyon ng Mindanao sa iba’t-ibang disiplina matapos na makihati sa mga nakatayang gintong medalya.
Kumpara sa powerhouse at ilang beses tinanghal bilang overall champion na NCR, nagpapakitang-gilas ang Northern Mindanao at SOCCSARGEN Region na inokupahan ang ikaapat at ikalimang puwesto. Ang NMRAA ay may 15 ginto, 12 pilak at 21 tanso habang may 12-8-14 medal tally naman sa SOCCSARGEN.
Isa na rito si Feberoy Kasi na itinala ang bagong record sa centerpiece event na 100m dash sa secondary boys sa tiyempo na 10.74 segundo upang itala ang SOCCSARGEN sa libro ng Palaro record matapos tabunan ang dating record ni Jomar Udothan ng NCR na 10.8 segundo noong 2014 Palaro sa Laguna.
Ang itinalang rekord ng protégé ni dating national sprinter at long jumper na ngayon ay regional trainer para sa South Cotabato na si Henry Dagmil na si Kasi ang pinakauna sa nakalipas na mahigit dalawang dekada para sa Region 12.
Pinakahuling nagtala ng Palaro rekord para sa Region 12 ay ang mismong nagtuturo kay Kasi na si Dagmil na tinalon ang layong 6.83 metro noong 1998 Palarong Pambansa sa Bacolod City na nagtulak dito upang makuha sa pambansang koponan.
“Masayang-masaya po kasi nandiyan si coach (Dagmil). Malaki po na bagay ang mga itinuturo niya sa amin,” sabi ng full-blooded na T’boli na si Kasi, na pangarap matulungan ang kanyang ama na isang habal-habal driver.
Ang Palaro rekord ay una para sa junior high school sa T’boli National High School na si Kasi na unang nakamit ang gintong medalya sa 4x400m relay noong 2015 Palaro sa Tagum City.
Samantala, sumisid ng kabuuang apat na gintong medalya ang 12-anyos na si Raphael Henrico Santos ng National Capital Region matapos na idagdag ang boys 12 & under 200m elementary individual medley (2:29.42) at ang 100m freestyle (1:00.42).
Mas pinabilis pa ni Maurice Sacho Ilustre ang kanyang rekord na itinala sa preliminaries ng secondary boys 100m freestyle na 54.41 segundo matapos itala ang bagong rekord na 54.15 sa paglangoy nito sa finals.