Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska vs NLEX
7 p.m. Tropang TNT vs San Miguel Beer
Team Standings: Meralco (8-3); San Miguel Beer (7-3); Rain or Shine (7-4); Barangay Ginebra (7-4); Alaska (6-4); Tropang TNT (6-4); NLEX (5-5); Star (5-6); *Mahindra (4-7); *Phoenix Petroleum
(3-8); *Blackwater (3-8); *Globalport (3-8)
*- eliminated
MAHABLOT ang isa sa top two spots na may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round ang target ng San Miguel Beermen kontra Tropang TNT Texters sa huling playdate ng 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Gaganapin ang sagupaan ng Beermen at Tropang Texters sa ganap na alas-7 ng gabi na main game matapos ang opening game sa pagitan ng Alaska Aces at NLEX Road Warriors dakong alas-4:15 ng hapon.
Ang San Miguel Beer, na kasalukuyang tangan ang 7-3 kartada, ay manggagaling sa dalawang sunod na panalong itinala kontra NLEX (131-127) at Phoenix Petroleum Fuel Masters (121-109) at pipiliting mapalawig ito sa tatlong diretsong pagwawagi sa pagsagupa sa rumaratsadang Tropang TNT.
Sasandigan pa rin ni San Miguel Beer head coach Leo Austria sina Tyler Wilkerson, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Ross at Gabby Espinas para masiguro ang silyang nilakipan ng twice-to-beat na bentahe at makaiwas sa anumang kumplikasyon.
Ang Tropang Texters ay magmumula sa apat na diretsong panalo laban sa NLEX (85-80), Rain or Shine Elasto Painters (114-103), Barangay Ginebra Kings (107-92) at Mahindra Enforcers (83-78).
Sasandalan ni Tropang TNT mentor Jong Uichico sina David Simon, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Troy Rosario, Moala Tautuaa, Larry Fonacier, Jai Reyes at Ryan Reyes para maselyuhan ng koponan ang puwesto sa best-of-three quarterfinals.
Ang Alaska, na magbubuhat sa 107-101 pagkatalo na pinalasap ng Meralco Bolts, ay maghahabol naman na makubra ang ikapitong panalo at makakuha ng mas magandang puwesto sa quarterfinals sa pagharap sa NLEX.
Aasahang muli ni Alaska coach Alex Compton sina Shane Edwards, Calvin Abueva, Vic Manuel, RJ Jazul, Chris Banchero, Sonny Thoss at Cyrus Baguio para makabangon ang Aces.