Sasakyan ng wedding guests nabangin, 5 patay, 24 sugatan

LIMA katao ang nasawi habang 24 pa ang nasugatan nang mahulog ang pick-up, na puno ng mga taong dumalo sa kasal, sa isang bangin sa Tinglayan, Kalinga, iniulat ng pulisya Miyerkules ng gabi.
Dead on the spot ang mga sakay ng pick-up na sina Patricio Daliyong at Sabas Onalan, habang binawian ng buhay sa ospital sina Anastacia Abagoy, Isabel Ladaw, at Virginia Manisim, sabi ni Supt. Cherry Fajardo, tagapagsalita ng Cordillera regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-3:50 ng hapon Martes sa bahagi ng Poblacion-Tulgao road na sakop ng Sitio Patoy, Brgy. Poblacion.
Minamaneho ni Salvador Oklod ang “double cab” pick-up nang mahulog ito sa bangin na tinatayang 20 metro ang lalim, ani Fajardo.
Lumabas sa imbestigasyon na galing ang sasakyan sa isang kasal sa Brgy. Dangal, nang bigla umanong magloko ang makina.
Dinala sa Tinglayan police station ang driver ng pick-up para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.

 

Read more...