Kampo ni Binay sa Palasyo: Pagsusupinde kay Cebu City Mayor Rama iligal

MAYOR RAMA'S SOCA/JULY 4, 2015: Cebu City mayor Michael Rama deliver his State of the City Address (SOCA) infront of the Port San Pedro (background) at Plaza Independencia.(CDN PHOTO/JUNJIE MENDOZA)

MAYOR RAMA’S SOCA/JULY 4, 2015: Cebu City mayor Michael Rama deliver his State of the City Address (SOCA) infront of the Port San Pedro (background) at Plaza Independencia.(CDN PHOTO/JUNJIE MENDOZA)


BINATIKOS ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang Palasyo matapos ang pagkakasuspinde kay Cebu City Mayor Mike Rama, sa pagsasabing iligal ito dahil ipinag-utos ito sa gitna ng kampanya para sa eleksiyon sa Mayo.
Sa isang pahayag, sinabi ni United Nationalist Alliance (UNA) spokesperson Mon Ilagan na maliwanag na layunin ng suspensiyon na makontrol ang city hall, dahil si Rama ay kaalyado ni Binay.
Idinagdag ni Ilagan na iligal ang suspension order dahil ipinagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsususpinde ng mga halal na lokal na opisyal tuwing panahon ng kampanya.

“What Malacañang and the Liberal Party are doing against the Mayor Rama and the entire city council of Cebu City is patently illegal, excessive, vicious and relentless. The Administration seems to have an unusually high interest in Mayor Rama that they need to suspend him twice over, and this time for giving P20,000 calamity assistance for employees of city hall,” dagdag ni Ilagan.
Ipinag-utos ng Office of the President (OP) ang anim na buwang pagkakasuspinde kina Rama, Vice Mayor Edgardo Labella at 12 konsehal dahil umano sa pag-abuso sa kapangyarihan nang pagkalooban ang mga sarili ng P20,000 calamity aid, bagamat hindi mga biktima ng 7.2 magnitude na lindol at supertyphoon Yolanda na tumama sa Cebu noong 2013.
Pinirmahan ang kautusan noong Abril 6 ni Executive Secretary Pacquito Ochoa Jr. na may basbas naman ni Pangulong Aquino.
“Ang game plan nila ay i-knockout ang mga kalaban ng Liberal Party sa Cebu. Tulad sa boksing, desperado na ang LP na patumbahin si VP Binay sa pamamagitan ng pagbigay ng mga low blows and rabbit-punches sa mga local leaders ng UNA who are already doing the groundwork in Cebu. Kahit ilan pang kombinasyon ng suntok ang gawin nila, di matitinag si Mayor Rama at ang buong konseho. Patunay lamang na matibay ang matatag ang oposisyon sa Cebu at di kayang buwagin ng Administrasyon,” dagdag ni Ilagan.
May pinakamalaking botante ang Cebu na kabuuang 2.7 milyong rehistradong mga botante.
Kaalyado ni Rama si Binay matapos namang kumalas sa One Cebu, isang lokal na partido ni Winston Garcia.
Dating miyembro si Rama ng Liberal Party (LP) hanggang lumipat siya sa kampo ni Binay noong 2012.
Siya na ngayon ang UNA regional coordinator in Cebu.

Read more...