4 dinukot na sawmill worker laya na

lanao del sur
Pinalaya na ng local terrorist group sa Lanao del Sur ang apat sa anim na sawmill worker na kanilang dinukot dahil umano sa pagiging espiya ng militar, ayon sa pulisya kahapon.

Pinawalan ang mga trabahador na sina Gabriel Tomatao, Julito Hanobas, Adonis Mendez, at Alfred Canoos Linggo ng gabi sa employer nilang si Hadja Anisa Gunda, sabi ni Senior Supt. Rustom Duran, direktor ng Lanao del Sur provincial police.

“Hindi ko alam kung ano ‘yung [resulta ng] negotiation. Empleyado sila ng bansohan na ang nagma-may-ari ay si Hadja Gunda, so siya mismo ang nakipag-negotiation [para] dun sa kanyang mga tauhan. Kasi ang mga pulis, wala kami sa mga ransom-ransom na ‘yan eh. No ransom policy ang sa aming pulis, pero ina-allow naman natin na magkaroon ng peaceful negotiation kasi ang inuuna natin ay ang buhay ng mga kidnap victims,” sabi ni Duran nang kapanayamin sa telepono.

Itinurn-over sina Tomatao, Hanobas, Mendez, at Canoos sa Butig Police Lunes ng umaga at ihinatid sa Iligan City Police Office ng Lanao del Norte ng gabing iyon para makasama ang kanilang mga pamilya, sabi ni Duran nang kapanayamin sa telepono.

Nasa kamay pa ng mga kidnaper ang mga trabahador ding sina Salvador Primentes, 39, at Jemark Primentes, 23.

Dinukot ng terrorist group na pinamumunuan ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute ang anim sa Purok 4, Brgy. Sandab, Butig, noong Abril 4.

Naganap ang pagdukot mahigit isang buwan matapos ideklara ng militar noong Marso 1 na ang grupo ng mga Maute at “neutralized” na.

Matatandaang binakbakan ng militar ang kuta ng Maute group sa Butig nang mahigit isang linggo simula Pebrero 20, matapos atakehin ng grupo ang isang Army detachment doon.

Aton kay Duran, dinukot umano ng grupo ang anim matapos mapagkamalan ang mga ito bilang mga espiya ng Armed Forces.

“Allegedly, mga agents daw sila ng Armed Forces of the Philippines, pero sa nakita ko naman wala namang basehan na naging agents sila, kasi matagal na silang nagtatrabaho sa bansohan, more than 12 years na sila nagtatrabaho doon. Although mga residents sila ng Iligan city, doon lang sila sa Butig naghahanapbuhay, sa bansohan ng kahoy,” aniya.

Sinisikap pa ng employer ng sawmill workers at mga awtoridad na mapalaya ang dalawang nalalabing kidnap victim.

“[Inaalam] natin sa kanilang employer kung ano na ang kanilang status, [inaalam] din natin kung saan ‘yung location, in coordination with the Armed Forces para kung malaman natin, [makagawa] tayo ng operation laban sa mga ito. Kung may mga negotiation pa doon, ‘yun ay sinusubaybayan natin,” ani Duran.

Noong Pebrero, matatandaang binomba ng OV-10 bomber planes, MG-520 attack helicopters, at Howitzer cannons ng militar ang kuta ng mga Maute sa kasukalan ng Butig kaya lumikas ang mahigit 20,000 residente.

Di bababa sa 24 ang napatay sa grupo ng mga Maute habang anim na kawal ang nasawi at 11 ang nasugatan.

Ayon sa isang Army official na nakabase sa Lanao del Sur, di naglunsad ng military operation para iligtas ang mga sawmill workers, dahil nangangamba ang mga lokal na opisyal na maaari na namang magdulot ng malawakang evacuation ang ganoong hakbang.

Read more...