Dalawang tao ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinakyan nilang sports utility vehicle (SUV) ng isang pari, sa Tublay, Benguet, kahapon, ayon sa pulisya.
Hindi nakilala ang dalawang sakay ng SUV pero nakita ang mga ito na may mga pasa at sumakay ng pampasaherong van patungong Atok matapos ang insidente, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.
Naganap ang insidente sa Km. 19, Brgy. Ambassador, at naiulat sa pulisya alas-6 ng umaga Lunes.
Tinatayang nasa 30 metro ang lalim ng bangin na kinahulugan ng SUV.
Napag-alaman mula sa empleyado ng isang towing service na ang SUV, isang Mitsubishi Pajero (CPH-699), ay pag-aari at minaneho noon ni Fr. Constantino Naoy, isang paring nakatalaga sa Sagada.
Lumabas sa imbestigasyon na nakatulog si Naoy habang nagmamaneho kaya nahulog sa bangin ang sasakyan.