Nasawi ang isang dating barangay chairman nang pagbabarilin ng mga armadong naka-motorsiklo sa Rosales, Pangasinan, iniulat ng pulisya.
Ikinasawi ni Renato Oril, dating chairman at kasalukuyang sekretarya ng Brgy. Pangaoa, ang mga tama ng bala sa ulo’t katawan, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-12:50 ng tanghali Linggo sa Brgy. Cabalaoangan Sur.
Pauwi ang 72-anyos na si Oril lulan ng kanyang motorsiklo, nang buntutan at pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa isa pang motor, ayon sa ulat.
Isinugod pa si Oril sa Rosales Municipal Infirmary Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Natagpuan naman ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre-.45 pistola.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin, na namataang tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Rabago matapos ang insidente.