Walang kokontra

SAMPAL na lumatay kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang desisyon ng anak na si Paolo na iendorso bilang kandidato nito sa pagkabise presidente si Sen. Francis “Chiz” Escudero imbes na ang kanyang running mate na si Sen. Alan Peter Cayetano o ang kanya raw umano talagang minamanok na si Sen. Bongbong Marcos.

Noong una ay kalmado at mahinahon lamang si Duterte sa ginawang tila pagtalikod sa kanya ng sariling anak. Aniya, may karapatan si Paolo na mamili ng susuportahang kandidato.

Pero kinalaunan ay nag-iba na ng timpla ang alkaldeng kandidato sa pagkapangulo at lumabas ang pagiging bully at arogante. Hirit niya: “Ako ang pakinggan n’yo… Sino ang sundin ninyo ang [magiging] presidente o ang vice mayor lang”?

Sa sinabing ito ni Duterte ay umalingawngaw ang litanya ng isa umanong kabataan na muntik mabiktima ng Davao Death Squad na batas ang bawat kataga ng alkalde.

“Tahimik at maayos ang Davao dahil wala ka naman mapagsumbungan. Lahat takot kay mayor. Walang tutulong sa iyo. Wala nang kaso-kaso, walang paliwanagan, patay agad,” ayon sa biktima. “Sa Davao, kapag nalagay ka sa “Duterte List,” delikado ka na. Ganyan ang nangyari sa akin at sa kapwa ko mga menor de edad noon na pinag-initan ng mga alagad ni mayor.”

Tila kinumpirma naman ng nasabing biktima ang isiniwalat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), na sinabi na mula nang magdeklara ng gera si Duterte laban sa tingin niya ay mga kriminal, umabot sa 104 na kabataang nagkaka-edad 18 pababa ang nabiktima ng vigilante killings.

Umabot pa ito sa 894 noong 2009. Nasa 12 anyos ang pinakabatang biktima.

Anuman ang motibo ng anak ni Digong na piliin si Chiz, na matagal na umano niyang kaibigan, kesa kay Cayetano, isa lamang ang napatunayan ng publiko: may paglalagyan ka, malapit ka man o di kakilala, kay Duterte at sa kanyang mga galamay kapag kinontra mo siya.

Sounds familiar, no?

KUNG wala nang nagtaka sa ginawang pananahimik ni Rep. Leni Robredo ukol sa mga kapalpakan ng kanyang running mate na si Mar Roxas noong nakaupo pa ito sa Department of Interior and Local Government, ni Transportation Sec. Emilio Abaya at ng iba pang opisyal at miyembro ng Liberal Party, kabilang na si Pangulong Aquino, sa ginanap na debate ng mga tumatakbong bise presidente, sigurado na wala ring magre-react kapag dinedma niya ang reklamo ng iba niyang kapwa kandidato sa ginagawa umanong panggigipit sa mga ito ng mga opisyal ng PNP na loyalista ng naghaharing partido.

Base sa reklamo na nakarating sa Poe-Escudero tandem ay sinisipa sa puwesto ang mga pulis na sumasalubong sa kanila at iba pang kandidato na hindi taga-LP sa mga lugar na kanilang pinangangampanyahan.

Ito raw ang rason kung bakit mahigit 500 opisyal ng pulis ang ginawang acting lamang para madaling masibak.

Kung totoo ito, tagumpay ang pakikipagpulong ng mga opisyal ng LP sa apat na heneral ng National Police!

Alam kaya ni Leni na walang kumpiyansa sa kanilang kakayahan ni Mar na ipanalo ang kanilang kandidatura ang kanilang mga kapartido kaya pailalim at paibabaw na kung mag-operate ang mga ito?

Sigurado kami na ki-bit-balikat lang ang reaksyon niya rito.

Anong bago?

Read more...