Ikalawang Ronda Pilipinas Leg crown nasungkit ni Morales

BAGUIO CITY — Binalewala ni Jan Paul Morales ang natitirang hamon upang tuluyang isuot ang korona bilang hari sa 2016 LBC Ronda Pilipinas.

Tiniyak ni Morales na hindi magaganap ang tangkang pang-aagaw sa titulo matapos idagdag pa ang Stage Five Baguio City criterium ng Luzon Leg upang isukbit ang ikalawa nitong korona sa pagtatapos ng 2016 LBC Ronda Pilipinas dito sa Burnham Park.

“Para kay Ronald (Oranza) sana ang Stage Five kaya lang hindi siya makawala kaya noong makakita ako nang pagkakataon, kinuha ko na lang para siguradong hindi maaagaw,” sabi ng tinanghal din na Mindanao Leg champion na si Morales.

Halos nawalis muli ng 30-anyos mula Calumpang, Marikina na si Morales ang lahat ng yugto sa Luzon leg kung saan napagwagian nito ang apat at tanging humulagpos sa mga kamay nito ang Stage Four na Dagupan to Baguio City road race na napagwagian ni Rustom Lim ng Team LBC/MVPSF.

Kailangan lamang na tumapos sa ikaapat na puwesto sa Stage Five upang masiguro ang korona, nagpakita pa rin ng kanyang kakayahan si Morales upang iuwi ang panalo sa kabuuang isang oras, pitong minuto at 16.59 segundo upang idagdag ang titulo ng Luzon Leg bilang ikalawa sa tatlong yugto na karera ngayon taon.

“Ang plano ay bantayan na lamang sina Lim at Oconer pero nakita ko ang tsansa at dahil kundisyon naman ako kaya kinuha ko na lang ulit,” sabi ni Morales na unang inuwi ang Mindanao Leg title noong Pebrero.

Nakapagtipon si Morales ng kabuuang 67 general classification points matapos ang limang lap upang tuluyang iwan ang 45 iba pang karibal na riders partikular sina Rustom Lim at George Oconer ng LBC-MVP Sports Foundation, na muling tumapos na ikalawa at ikatlo sa natipong 49 at 41 puntos.

Matatandaang napagwagian ni Morales ang Stage One sa Paseo de Sta. Rosa sa Laguna, Stage Two sa Talisay at Tagaytay at ang Stage Three sa Antipolo City bago kinumpleto sa panghuling panalo sa Stage Five. Dagdag pa sa napanalunan nito ang pagiging ASG Sprint, Petron Local Hero.

Masayang tinawid ni Morales ang finish line kung saan sinalubong ito ng palakpakan ng mga fans at opisyales na kinabibilangan mismo ni Baguio City Mayor Mauricio Dumogan.

Agad din itong lumapit sa asawang si Leni at dalawang anak na sina Janel at Jan Paul, Jr.

“Sila ang mga inspirasyon ko,” sabi ni Morales, na iuuwi ang P50,000 sa pagiging kampeon sa yugto at dagdag pa na P80,000 sa kanyang apat na panalo sa Stage at pagiging ASG Sprint lead at Petron Local Hero na P28,000.

Read more...