SINA Al Thornton at Tyler Wilkerson ang dalawa sa pinaka-produktibong imports sa PBA Commissioner’s Cup.
Actually, hindi lang sa kasalukuyang torneo sila maituturing na produktibo. Kumbaga ay parang sa loob ng sampu o higit pang seasons ay sila talaga ang mga kamador!
Nami-miss na kasi ng mga Filipino basketball fans ang high-scoring imports, e.
Hindi ba’t noong early years ng PBA ay halos one-man o two-man show ang bawat koponan. Mga imports talaga ang pinanonood ng mga fans.
Kasi nga ay hindi balanse ang local lineups ng mga teams. Dominado ng Crispa at Toyota ang liga. Silang dalawa lang ang naghati sa mga kampeonato ng mga unang seasons ng PBA bago na-break ng Utex ang monopoly.
Ang mga ibang teams ay may lineups na hindi maitatapat sa Crispa at Toyota kung kaya’t kumukuha sila ng matitinik na imports. Kumbaga ay ang mga reinforcements ang siyang inaasahan nilang bumuhat sa kanila.
Pero siyempre, paminsan-minsan ay nakakakuha rin naman ng matitinding imports ang Crispa at Toyota. Lalo tuloy nilang nadodomina ang laban. Sino ang makakalimot sa mga tulad nina Billy Ray Bates, Andy Fields, Michael Hackett at iba pang naging imports ng Redmanizers at Comets?
Pero siyempre, hindi rin naman malilimutan ang mga tulad nina Lew Massey, Jose Slaughter, Tony Harris at mga iba pang scoring champions. Si Harris, na naglaro para sa Swift, ang may hawak ng all-time record sa one-game scoring para sa PBA. Lampas isang daang puntos ang ginawa niya sa isang laro.
Sayang at provincial game iyon. Hindi iyon nasaksihan ng mga basketball fans sa Maynila.
At malamang na wala nang makasunod sa yapak ni Harris. Kahit na sina Thornton at Wilkerson ay hindi magagawa iyon. Kasi nga ay malakas naman ang local lineups ng kanilang koponan. Hindi papayag ang locals na puro sa import mapunta ang bola at tira.
Noong nakaraang Martes, si Thornton ay nagtala ng 69 puntos at dinaig niya si Wilkerson na nagtala ng 58 puntos. Pero nagwagi naman ang San Miguel Beer kontra sa NLEX sa triple overtime, 131-127. So nabalewala ang mataas na output ni Thornton.
Pero marami pa rin siyang napabilib. May mga sportswriters nga na nagsabing kung hindi lang nagkaroon ng injury si Thornton, malamang na hanggang ngayon ay naglalaro pa rin siya sa National Basketball Association. Kasi mahusay siyang talaga.
Ewan nga lang natin kung maihahatid ni Thornton sa Finals ang Road Warriors dahil sa kasalukuyan ay nasa balag pa rin sila ng alanganin at hindi pa tiyak kung makakapasok sa quarterfinals. Kung makapasok man sila, malamang na ang makalaban nila ay alinman sa top two teams na magtataglay ng twice-to-beat advantage.
Si Wilkerson naman ay puwedeng maging kandidato para sa Best Import award kung magtutuluy-tuloy sa Finals ang Beermen. At kung maihahatid niya ang San Miguel Beer sa kampeonato, aba’y isang titulo na lang ang kakailanganin ng Beermen upang makumpleto ang minimithing ikalawang Grand Slam. Tingnan natin kung hanggang saan aabot sina Thornton at Wilkerson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
