Ser Chief, Jodi balik-tambalan sa ABS-CBN

JODI STA. MARIA AT RICHARD YAP

MAGBUBUNYI tiyak ang mga die hard supporters nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria dahil balik-tambalan nga ang dalawa, base sa nakita naming post ng isang taga-production ng ABS-CBN.

Matatandaang nag-click ang tambalang Ser Chief at Maya o JoChard sa seryeng Be Careful With My Heart, pero unang nakilala si Richard bilang Papa Chen sa Binondo Girl ni Kim Chiu. Siya ang love interest sa serye niAi Ai delas Alas.

Maraming fans ang nagre-request na muling pagtambalin sina Jodi at Richard dahil bagay na bagay daw ang dalawa, mas gusto raw nila ang JoChard kesa sa loveteam nina Jodi at Ian Veneracion sa Pangako Sa ‘Yo.

At alam ito tiyak ng ABS-CBN management lalo’t maraming fans ang sumusulat sa kanila na ibalik na sana ang tambalang Ser Chief at Maya. Niluluto na raw ang project ngayon nina Richard at Jodi ngunit ayaw pang i-reveal kung anong titulo at kung kaninong unit ito ng ABS-CBN mapupunta.

Sa totoo lang bossing Ervin, matagal na itong nabanggit sa amin ng pinsan naming nasa Chicago, Illinois at die-hard fan ng JoChard tandem na talagang bumili ng DVD ng Be Careful With My Heart noong umuwi ng Pilipinas noong isang taon dahil gusto raw ng mama niya o lola naming ulit-ulitin itong panoorin kapag naiiwang mag-isa sa bahay dahil nga nasa opisina lahat ang anak.

Sobrang napapasaya raw nina Ser Chief at Maya ang lola namin at noong nagtapos ay talagang umiiyak daw dahil wala na siyang panonoorin pa.

Kaaliw lang dahil mas alam pa ng pinsan namin ang upcoming project na ito nina Richard at Jodi samantalang kami ay hindi pa namin malalaman kung hindi pa namin nakita sa social media.

Kung tuloy na ang JoChard project, paano na ang seryeng Someone To Watch Over Me nina Richard at Judy Ann Santos?

Bale nang makausap namin si Richard sa pictorial nila ni Richard Poon para sa upcoming back-to-back concert nila sa PICC ngayong Agosto produced ng Cornerstone Concerts ay sinabi niyang tuloy na ang serye nila ni Juday ngayong Disyembre.

Sabagay, Abril pa lang nga-yon, baka naman bago mag-Disyembre, e, ‘yung kay Juday naman ang isunod ni Ser Chief.

Ang alam namin ay network contract si Richard kaya kailangan siyang bigyan ng projects maski guesting lang tulad ng ginawa niya sa FPJ’s Ang Probinsyano at itong Super D na pagbibidahan ni Dominic Ochoa. Nakasama rin si Richard sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita with Vina Morales at My Kung Fu Chinito ng Wansapanataym kasama si Enchong Dee.

Kaya technically, hindi naman totally nawala sa telebisyon si Richard Yap.

Read more...