Grace Poe bugbog-sarado, pero patuloy na lumalaban ala-FPJ

GRACE POE AT FERNANDO POE JR.

GRACE POE AT FERNANDO POE JR.

MUKHANG patuloy na dumadaloy palapit kay Senadora Grace Poe ang lahat ng mga biyaya ngayong papalapit na ang eleksiyon. Naglalantaran na ang mga pulitikong pumapanig sa kanyang kandidatura.

Bukod du’n ay nakukuha na niya ang tiwala at pananalig ng ating mga kababayan na siya ang makapagbigay ng isang bagong umaga para sa bayan ni Juan dela Cruz.

Para siyang boksingerong halinhinang inuupakan ng kanyang mga kalaban, pero ang magandang resulta, bugbog-sarado man ang senadora ay nakatayo pa rin siya para patuloy na makipaglaban.

Nakikita kasi ng mga Pinoy sa kanya ang mga katangian ng isang tagapamuno na may paninindigan.

Kaya niyang iangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan dahil ang kanyang paniniwala ay dapat pantay-pantay lang ang tingin ng pamahalaan sa mga mamamayan mahirap man o mayaman.

Minamaliit siya, wala pa raw naman siyang karanasan, pero nakakaya niyang tapatan ng tugon ang ibinabatong paghusga sa kanya.

Hindi pa rin natin maihihiwalay ang katotohanang anak siya ng yumaong Hari Ng Pelikulang Pilipino na sa mga pelikula nito ay pinahihirapan at pinagtutulung-tulungan ng mga tiwali.

Pero sa pinakahuling kuwadro ay matatag pa ring nakatayo si FPJ, pinapalakpakan ng bayan, ganu’n din ang inaasahan ng mga tagasuporta ni Senadora Grace Poe sa pinakahuling hibla ng labanan ngayong darating na halalan.

Isang gobyernong mapuso pero may paninindigan ang kanyang pangako. Isang bagong umagang parating ang inaabangan ng sambayanang Pinoy ngayon.

Read more...