Twice-to-beat edge asinta ng Meralco Bolts

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Phoenix Petroleum vs Globalport
7 p.m. Meralco vs Alaska
Team Standings: Meralco (7-2), Alaska (6-3), San Miguel Beer (6-3), Barangay Ginebra (6-4), Rain or Shine (6-4), Tropang TNT (5-4), NLEX (5-5), Mahindra (4-6), Star (4-6), Phoenix Petroleum (3-6), Blackwater (3-7), Globalport (2-8)

MAHABLOT ang twice-to-beat advantage ang target ng nangungunang Meralco Bolts sa pagsagupa sa naghahabol na Alaska Aces sa kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round game ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Magsasalpukan sa ganap na alas-7 ng gabi ang Bolts at Aces matapos ang bakbakan ng Phoenix Petroleum Fuel Masters at Globalport Batang Pier sa unang laro dakong alas-4:15 ng hapon.

Binuksan ng Bolts ang kumperensiya sa pagkubra ng limang sunod na panalo bago magtala ng 2-2 marka sa huling apat na laro. Makakaharap naman nila ang Alaska na magtatangkang makadikit sa kanila at gawing dikdikan ang labanan para sa top two berth sa paghablot ng panalo.

At kung mananalo ang Alaska, makikisalo sa itaas mg team standing ang Aces at lalapit sa pagkubra ng No. 2 spot kung sakaling ang Aces at Bolts ay manatiling tabla matapos ang isa pang laro sa elimination round bunga ng winner-over-the other rule.

Magbibigay daan din ito para makalapit ang San Miguel Beermen, na pumasok sa mga huling araw ng elimination round na tabla sa Aces at may dalawang larong nalalabi laban sa Fuel Masters at defending champion Tropang TNT Tropang Texters.

Kung manalo ang Meralco, makakasiguro naman ang Bolts sa No. 2 spot kahit na matalo sa huling laro. Subalit kung magwawagi sila sa huling dalawang laro ay makukuha nila ang No. 1 ranking at pinakamagaan na katunggali sa quarterfinals kung saan ang Meralco ay kailangan lang manalo ng isang laro sa No. 8 team para makausad sa semifinals.

Kung matatalo sila sa Aces at sa Barangay Ginebra Kings sa Miyerkules, ang Bolts ay malalaglag sa 7-4 kartada na maaaring tapatan ng San Miguel Beer at Alaska at ihulog ang Meralco sa best-of-three series depende sa kanilang magiging huling ranking.

Samantala, pipirma ng kontrata sa San Miguel Beer ang free agent na si Gary David.

Ito ay ayon sa source na nakausap ng Inquirer.net kahapon kung saan nakapanggulat ang Beermen sa pagkuha kay David.

Si David at ang Beermen ay nagkasundo kahapon ng tanghali.

Ang 37-anyos na shooter ay inihulog ng Meralco sa unrestricted free agent list noong Marso 17 matapos suspindihin ng management ng isang laro matapos ang 104-99 pagkatalo ng Bolts sa NLEX Road Warriors noong Marso 13.

Ang Mahindra Enforcers at Barangay Ginebra ang naunang napabalita na kukuha sa kanyang serbisyo.

Ang paglalaro ni David sa Beermen ay nangangahulugan na makakasama niyang muli ang mga dating kakampi na sina Marcio Lassiter at June Mar Fajardo.

Read more...