Pacquiao llamado pa rin kay Bradley

MARAMI pa rin ang naniniwala na mananalo si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley sa kanilang ikatlong laban sa darating na Linggo sa Las Vegas, Nevada, USA.

Ito ay kung pagbabasehan ang “betting odds” sa Las Vegas na nagsasabing llamado pa rin si Pacquiao.

Gayunman, hindi na ganoon kalaki ang bentahe ng Pinoy boxing icon, hindi tulad noong unang dalawang pagtutuos nila.

Tatlong araw bago ang Pacquiao-Bradley III, ang odds sa sports book ng MGM Grand Garden ay
-230 favorite para kay Pacquiao at +180 underdog naman para kay Bradley.

Ibig sabihin nito ay ang tayang $230 kay Pacquiao ay mananalo ng $100 habang ang $100 bet para kay Bradley ay kukubra ng $180.

Noong Enero 16 nang buksan ang tayaan para sa labang ito ay may -260 kay Pacquiao at +220 naman kay Bradley.

Noong 2014 sa ikalawa nilang laban ang odds isang araw bago ang kanilang laban ay -270 kay Pacman at +220 kay Bradley.

Mas malaki ang bentahe ni Pacquiao sa una nilang laban noong 2012 dahil -450 ang sa kanya at +330 naman ang kay Bradley.

Sa unang laban ay nakuha ni Bradley ang kontrobesyal na panalo pero nakaresbak si Pacman sa kanilang rematch.

Samantala, may 30/1 odds naman na mauuwi sa draw ang laban sa Linggo at 50/50 (even) na si Pacquiao ay mananalo by decision.

Nasa 7/2 odds naman na si  Pacquiao ay mananalo by knockout at 11/2 na si Bradley ay magwawagi by knockout.

Wala namang tutol ang kampo ni Pacquiao sa mga napiling opisyales ng laban.

Si Robert Byrd ang magiging reperi habang ang mga hurado ay sina Burt Clements, Dave Moretti at Steve Weisfeld.

Sa tatlong judges, ang may pangambang naidudulot sa mga fans ni Pacquiao ay si Clements.
Si Clements ang sinasabing “dahilan” kung bakit hindi nanalo si Pacquiao kay Juan Manuel Marquez noong 2004 nang iniskor niya ay 10-7 sa halip na 10-6 sa unang round ng laban kung saan natumba ng tatlong beses si Marquez.

Read more...