Sigaw ng ilang Dabarkads: Tanggalin si Maine sa ‘Juan for All, All for Juan’

yaya dub

Kailangan nang gumawa ngayon ng kung anu-anong gimik ang mga namamahala sa career nina Alden Richards at Maine Mendoza. Ito na ang tamang panahon para pag-initin ang kunwaring relasyon nila.

Ramdam na kasi nila ang pagkaumay ng publiko sa tambalan, kung gaano kainit nu’n ang loveteam ay halos ang kanilang mga tagahanga na lang ang aktibo sa pagsuporta sa kanila, kaya gimik pa more ang kanilang ginagawa ngayon.

Kailangan ding mabura sa kamalayan ng publiko ang pagpasok nu’n sa eksena ni Derrick Monasterio na binigyan na lang ng bagong kapareha, ang ex ni Jake Vargas na si Bea Binene, para mailayo ang pangalan kay Maine.

Totoong nagtagumpay ang loveteam, penomenal nga ang markang ibinigay sa kanila, pero hanggang kailan ba nila kakayaning pag-initin ang kanilang tambalan? Nu’ng nakaraang Hulyo pa ipinanganak ang AlDub, mag-iisang taon na nga kung tutuusin, pero hanggang sa pagpapakilig pa rin ang kaya nilang gawin.

“Nakakaumay na sila, hindi ko na sila sinusubaybayan ngayon, nanonood pa rin ako ng Eat Bulaga pero dahil na lang kina Jose Manalo at Wally Bayola. “Nakakairita lang, kasi, isinama pa sa Juan For All, All For Juan si Maine.

Hindi naman siya kailangan du’n, kayang-kaya ng JoWaPao na buhayin ang segment. “Nakakagulo pa nga du’n si Maine, pati ang hosting nina Jose at Wally, nauudlot, kasi nga, inaalalayan nila si Maine. Hindi tuloy nagiging natural ang segment.

“Wala naman siyang naidadagdag, tanggalin na lang sana du’n si Maine! Hindi na siya nakakaaliw, nakakainis na siya!” komento pa ng isang nakausap naming propesor na pansamantalang naaliw nu’n sa AlDub pero bumaklas na ng suporta ngayon.

Read more...