Wish ni GMA mabilis na hustisya

gma2
Kung may wish si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa kanyang ika-69 kaarawan, ito ay ang mabilis na pag-usad ng hustisya sa kanyang kaso.
Ayon kay 1BAP Rep. Silvestre Bello III, kaalyado ni Arroyo, nais ng dating Pangulo na matapos na ang kanyang kaso at kampante sila na mapapawalang-sala siya.
“To get justice immediately!” ani Bello.
Sinabi ni Bello na naging mapait ang kapalaran ni Arroyo sa ilalim ng Aquino administration dahil sa paghihiganti umano ang pakay nito.
Naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center kaugnay ng kasong plunder na kinakaharap nito. Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ni Arroyo na makapaglagak ng piyansa.
Si Arroyo ay kinasuhan kaugnay ng iregularidad umano sa paggamit ng P366 milyong confidential and intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Pinayagan ng Korte Suprema na makapagdiwang ng kanyang kaarawan sa kanyang bahay sa La Vista Subd., Quezon City. Bukas siya ibabalik sa VMMC.
Umaasa naman si Akbayan Rep. Barry Gutierrez, spokesman ng team Daang Matuwid, na gagaling na si Arroyo.
“Kami rin, gusto naming gumaling na si GMA para maharap na niya ang mga kaso niya,” ani Gutierrez.
Sinabi ni Gutierrez na hindi malayo na matulad kay Arroyo si Vice Presidente Jejomar Binay na nahaharap sa iba’t ibang kaso kaugnay ng mga katiwalian umano sa mga proyekto ng Makati City Hall.
“Mabibigyan din nito ng lugar sa ospital si VP ‘pag oras na niyang harapin mga kaso niya. Tutal, nag-file na rin ang anak niyang si Senadora Nancy (Binay) ng bill na payagan ang hospital o house arrest. Ito yata ‘yung pinaghahandaan nila,” ani Gutierrez.

Read more...