Bomba sumabog sa school party, 3 sugatan

TATLO katao ang sugatan nang sumabog ang improvised explosive device (IED) sa loob ng isang paaralan sa Cotabato City Lunes ng gabi, ayon sa pulisya.
Sugatan sina Neil Borja, Don-don Bangis, at Tyron Jore, pawang mga crew member ng isang light and sound system company, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Naganap ang pagsabog dakong alas-11 ng gabi sa grounds ng Polytechnic College, na nasa kahabaan ng Sinsuat Ave.
Sinabi sa pulisya ni Faisal Pasawilan, security guard ng paaralan, na ginaganap noon sa eskuwelahan ang isang “seniors’ night.”
Sa kasagsagan ng awarding ceremony, nakakita umano si Pasawilan ng spark sa likod ng grandstand at matapos iyo’y naganap na ang pagsabog, ani Galgo.
Isinuggod sina Borja, Bangis, at Jore sa ospital pero pinayagan ding makauwi matapos malunasan ang kanilang “minor injuries,” aniya.
Natagpuan naman ng mga rumespondeng pulis na nagsagawa ng post-blast investigation ang mga 1-pulgadang concrete nail at black powder sa pinangyarihan, ani Galgo.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang uri ng IED na ginamit, pati ang pagkakakilanlan at motibo ng mga nambomba.

 

Read more...