TAGAYTAY City — Hindi pa kuntento ang Mindanao Leg champion na si Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance.
Ito ay matapos tila nag-uumapaw ang enerhiya na madali nitong inakyat ang 14.7 kilometrong Individual Time Trial na Stage Two na nagsimula sa Talisay City tungo dito upang halos sementuhan agad ang pagsungkit sa korona ng 2016 Ronda Pilipinas Luzon Leg.
“Tinuluy-tuloy ko na. Hindi ko mapigilan ang pagsipa eh,” nasabi lamang ng 30-anyos mula Marikina City na si Morales, na hindi katulad sa Stage One na gumamit ng pacifier sa kanyang bibig bilang paghamon, matapos ang solong pagtawid nito sa finish line sa oras na 36 minuto at 08.60 segundo.
Ikalawa sa yugto ang kakampi nito sa Navy na si Jhon Mark Camingao na may oras na 36:38.70 habang ikatlo si Rustom Lim ng Team LBC/MVPSF sa oras na 36:44.80. Ikaapat at ikalima sina Ronald Lomotos ng LBC (36:52.60) at Joel Calderon ng Navy (37:52.70).
Ito ang ikalawang sunod na panalo at kabuuang ikaapat ngayong taon ni Morales na nakapagtipon ng 30 puntos para sa overall jersey, 12 puntos sa sprint category o green jersey at local hero o yellow jersey.
Gayunman, isusuot ni Rudy Roque ng Navy ang green jersey bilang ikalawa habang si Rustom Lim ang magsusuot ng yellow jersey.
Una nang nagtala ng back-to-back na panalo ang kakampi nito na si Oranza na nagwagi sa magkasunod na stage sa Mindanao Leg at halos tatlong sunod sa pinagwagian nito na Visayas Leg.
Mayroon na si Morales na isinumiteng kabuuang oras na 1:44:13.97 matapos ang dalawang lap sa overall. Tatlong Team LBC ang nasa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto na sina Rustom Lim na may 20 puntos (1:46:23.54), George Luis Oconer na may 18 puntos (1:47:44.80) at Ronald Lomotos na may 15 puntos (1:46:44.38).
Ikalima hanggang ikasiyam ang Navymen na sina Camingao (14 puntos), Rudy Roque (12 puntos), Calderon (11 puntos), El Joshua Carino (9 puntos) at Lloyd Lucien Reynante (7 puntos) habang nasa ikasampu si Ronnilan Quita (6 puntos) ng Team LBC/MVPSF.
Magtutungo naman ang karera sa bulubundukin na Antipolo City para sa isasagawa na Stage Three criterium bukas bago magtungo sa Dagupan City para sa Stage Four at sa ikalima at panghuling criterium na Stage Five na iikot sa malamig na lugar ng Baguio City.
Samantala, minalas na hindi nakatapos ang tinaguriang “Wonder Boy” na si 18-anyos na si Ranlean Maglantay mula sa Koronadal, South Cotabato at miyembro ng Team LBC/MVPSF matapos itong maaksidente nang mabangga ng isang matigas ang ulo na tricycle na binalewala ang inilagay na harang ng mga trapiko sa kalsada.