Marcial bigo sa boxoff ng Olympic qualifier
DALAWA lamang mula sa anim na Pilipinong boksingero ang nakatuntong sa Rio.
Ito ay matapos na kapwa nakalasap ng kabiguan sina Eumir Felix Marcial at Mario Fernandez sa kani-kanilang laban upang maiwanan sa inaasam na silya sa Rio de Janeiro Summer Olympics sa 2016 Asia/Oceania Olympic Qualification Event sa Tangshan Jiujiang Sports Center sa Qian’an, China.
Sabado ng gabi ay nakatakdang sumagupa para sa tanging gintong medalya sa men’s lightweight division (60 kilogram) ang isa sa dalawang boxer na nagkuwalipika na sa Rio Olympics na si Charly Suarez sa pagsagupa kay Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia.
Bigo na makaagaw ng silya sa kada apat na taong Olimpiada sa men’s welterweight (69kg) ang No. seed at 22-anyos na si Marcial matapos itong makalasap ng 0-3 kabiguan sa matira-matibay na boxoff para sa tansong medalya kontra sa No. 2 seed na si Tuvshinbat Byamba ng Mongolia.
Kinapos si Marcial na makumbinsi ang mga hurado mula sa Ukraine, Finland at Italy kung saan dikit na iskor lamang ang naging agwat sa pagkatalo nito matapos na pare-parehas na nagbigay ng 28-29 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.