NAKATUON ang LBC-MVP Sports Foundation riders sa pangunguna ni George Oconer at Rustom Lim na bumawi sa nasayang na panahon sa pagbibigay ng matinding laban sa ekspiriyensadong Navy-Standard Insurance sa pagsikad ng ikatlo at pinakahuling yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2016 Luzon Leg na magsisimula bukas sa Paseo de Santa Rosa at magtatapos sa dinarayong Baguio City sa Abril 9.
Unang inasahan si Oconer na magpapakitang-gilas sa Visayas Leg nitong nakaraang buwan bilang isa sa mga paborito para magtangka sa titulo matapos na pumangalawa sa tinanghal na kampeon noong 2015 na si Santy Barnachea subalit hindi nito nakamit matapos na okupahan ang ika-11th overall.
Gayunman, ang anak ni dating two-time Olympian na si Norberto ay nangako na gagawin ang lahat upang makabawi sa kanyang malamyang pagsikad.
“Gagawin ko ang lahat para makabawi,” sabi ni Oconer.
Matatandaan na mas maganda ang ipinamalas ni Lim nang pumangatlo ito sa overall ng Visayas leg matapos na magwagi sa ikalima at huling stage sa Roxas City upang agad na itala ang sarili bilang isa sa mga paborito na pigilan ang nais na pagwawalis muli ng kalabang Navy.
Isa pang LBC-MVPSF rider na babantayan si Ronnilan Quita mula sa San Jose, Tarlac na mula kung saan ay biglang nanggulat sa pagtapos sa ikalawang puwesto sa likod ni 2009 Tour champion Joel Calderon ng Navy sa Stage Four sa Roxas City.
“Pinaghahandaan ko po na makakuha ng isang stage para makapagtala ng sarili kong pangalan sa karera,” sabi ng 21-anyos na si Quita na una nang nagpahayag na kanyang gagamitin ang sport na cycling para makapag-aral at mabigyan ang sarili at mga kapatid ng tamang edukasyon matapos na tumigil hanggang Grade Six dahil sa kahirapan.
Subalit inaasahang mahihirapan ang LBC-MVPSF dahil nakatuon ang Navy na tuluyang walisin ang lahat ng titulo sa karera ngayong taon na inorganisa ng LBC Express na siyang pinakamalaking karera sa bansa.
Dahil sa kanilang disiplina at samahan, dinomina ng Navy ang unang dalawang yugto kung saan nagwagi si Jan Paul Morales sa Mindanao Leg noong Pebrero bago sinundan ni Ronald Oranza sa Visayas Leg nitong Marso.
Tila wala rin makakapigil sa Navy para ipagpatuloy ang dominasyon.
“Iyan talaga ang rason kaya kami nagpapakahirap at nagtatrabaho ng matindi,” sabi ni Navy team captain Lloyd Lucien Reynante.
Matapos ang Paseo Stage One criterium, ang karera ay magtutungo sa Stage Two Individual Time Trial (ITT) na magsisimula sa Talisay City sa Batangas at magtatapos sa dinarayo na Tagaytay City sunod na araw.
Iho-host ng Antipolo City ang Stage Three na criterium sa Abril 6 bago tapusin ang LBC Ronda ng panghuling yugto na Stage Four road race simula Dagupan City, Pangasinan paakyat sa Baguio City sa Abril 8 at isa pang criterium sa Baguio sa Abril 9.
Ang karera na inorganisa ng LBC Express ay may pahintulot ng PhilCycling at ini-isponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp. katulong ang Maynilad at NLEX bilang minor sponsors.