Hindi inaasahan ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe na susuportahan siya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
“Unang-una, hindi kami nag-usap ever. Pangalawa, wala naman kaming pag-[uusap] kahit man lang sa anong paraan na nagpaabot maski na sino,” ani Poe.
Si Arroyo ang tumalo sa ama ni Poe na si Fernando Poe Jr., noong 2004 presidential elections.
“Ayokong maging mayabang pero alam naman ng ating mga kababayan ang naging kasaysayan niyan,” ani Poe.
Inamin naman ni Poe na may kalabuan na siya ang iendorso ni Arroyo.
“Sa tingin ko, unang-una, hindi mangyayari ‘yon (endorsement). Hindi niya (Arroyo) gagawin ‘yun. Kung mayroon nga akong mga narinig, iba ang kandidatong sinusuportahan niya.”
Ang kilalang kaalyado ni Arroyo na si Pampanga Gov. Lilia Pineda ay sumuporta kay Mar Roxas, ang pambato ng Daang Matuwid.
Sinabi ni Poe na puspusan ang gagawin nilang pangangampanya sa nalalabing panahon bago ang May 9 elections.
Isa sa kanyang ikinokonsidera ang pangangampanya sa mga overseas Filipino workers communities.
“Gusto ko nga rin sana. Tingnan natin kung may oras pa sapagkat ‘yon nga ‘yung napansin natin, ‘di ba? Dito sa kampanya na ito, lahat tayo magkakasama, napakalawak ng Pilipinas at dapat marami tayong abutin sa ating mga kababayang OFWs. Nanggaling na rin ako doon, katulad din ‘nung December, kasama natin ‘yung mga taga-Hongkong na mga OFWs at miyembro ng Migrante,” ani Poe.
Suporta ni GMA hindi inaasahan ni Poe
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...