NAGWAGI ang Taguig PDAO at Region VIII-Visayas ng tig-walong gintong medalya mula sa natapos na limang event upang manguna sa kabuuang 48 local government units (LGUs) na lumahok sa 5th PSC-Philspada National ParaGames na nagtapos Biyernes ng gabi sa Marikina City.
Nagtipon ang mga differently-abled athletes ng Taguig PDAO at Region VIII-Visayas ng mga ginto sa athletics, swimming, boccia, chess at table tennis upang mag-agawan sa pagiging pinakaproduktibong LGU sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Sports Association for the Differently Abled (Philspada).
Tinanghal naman ang Asian Paralympics Games 2014 veteran at sprinter na si Arman Dino mula Cebu bilang Most Improved sa athletics matapos na magwagi sa 100m dash upang idagdag sa kanyang napanalunan sa 200m at 400m.
Hanggang kahapon ay nadagdagan pa ang sumali sa torneo na umabot na sa kabuuang 707 nagpartisipa mula sa 591 sumaling atleta at 126 na opisyales.
Apat na gintong medalya naman ang inuwi ni 2016 Rio Olympian Ernie Gawilan sa kalalakihan gayundin si Judy Ann Neblasca sa kababaihan upang tanghaling mga most bemedalled athletes sa pagtatapos ng swimming.
Nagwagi rin ng tatlong ginto sa kani-kanilang kategorya sina Jimmyboy Neblasca, Gary Bejino, Isidro Luis, Remigio Lobos, Marko Tinamisan, Naomi Joy Parcia at Roland Sabido.
Nagkampeon naman sa table tennis singles event men’s class 2 at 3 si Darwin Salvacion, Smith Billy Cartera sa class 4 at 5, Leo Macalandia sa class 7 at si Joebert Lumanta sa class 8.
Wagi sa class 9 si Benedicto Gaela, class 10 si Rommel Lucencio at class 4 women si Jaranilla Lucena.
Wagi rin sa men’s Open class 1-5 si Smith Billy Cartera, Open class 6-10 si Benedict Gaela at women’s Open class 6-10 si Josephine Medina.
Kampeon sa badminton women’s singles si Miriam Lesnania ng Cainta IV-A habang sa men’s singles SL3 si Basil Anthony Hermogenes ng Guihulngan, Negros Occidental. Wagi rin sa men’s singles SL4 si Ernesto Surban mula sa Mandaue, Cebu.