MATAPOS ang mahalagang na panalo noong Huwebes na nagkaloob dito ng puwesto sa Rio de Janeiro Olympics ngayong taon, nabigo naman si light flyweight Rogen Ladon sa kanyang misyon na mapanatili ang kanyang No. 1 spot matapos matalo sa kanyang finals bout kontra Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan sa 2016 Asia/Oceania Olympic Qualification Event sa Tangshan Jiujiang Sports Center sa Qian’an, Hebei Province, China kahapon.
Umiskor ang mga hurado ng 29-28, 28-29 at 29-28 para makuha ng kanyang katunggali ang split decision na panalo sa kumpetisyon na magkakaloob ng 30 puwesto para sa 2016 Summer Olympic Games.
Nakipagsabayan sa suntukan si Ladon laban kay Dusmatov na dinaig din siya sa isang dikit na finals bout sa Asian Confederation Boxing Championships sa Bangkok, Thailand noong Setyembre.
At sa pagkakataong ito ay mukhang nakalamang sa palitan ng suntok ang Uzbek.
Nabigo namang makakuha ng panalo at huling Olympic ticket sa men’s bantamweight si Mario Fernandez matapos biguin ni Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan sa kanilang boxoff para sa tansong medalya, 3-0, sa magkakaparehong iskor na 30-27.
Habang isinusulat ito, magtatangka din na makahablot ng silya sa Rio Olympics si Eumir Felix Marcial na makakasagupa para sa ikatlong puwesto at tansong medalya ang 2012 London Olympian na si Tuvshinbat Byamba ng Mongolia sa kanilang boxoff sa men’s welterweight kagabi.
Si Marcial ay natalo sa semifinals kay Shakhram Giyazov ng Uzbekistan, 3-0, sa magkakaparehas na 30-27 iskor.
Magsasagupa naman ngayong gabi para sa gintong medalya ng men’s lightweight division ang pasok na sa Rio Olympics na si Charly Suarez at ang No. 1 seed na si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia.
Pinabagsak ni Suarez ang nakatapat sa semis na si Shan Jun ng China para masungkit ang unang paglahok sa kada apat na taong Olimpiada na gaganapin sa Agosto 5-21 kung saan dikit ang iskor sa 19-19, 17-20 at 18-20.