Sunog sumiklab sa UP Diliman Faculty Center
SUMIKLAB ang sunog sa gusali ng Faculty Center sa University of the Philippines (UP) Diliman campus sa Quezon City bago magmadaling araw.
Sinabi ng Tinig ng Plaridel, ang opisyal na student publication ng UP College of Mass Communication, na nagsimula ang sunog sa Rizal Hall o Bulwagang Rizal ganap na ala-1 ng
umaga.
Ayon naman sa Metro Manila Development Authority (MMDA), umabot ang sunog sa fifth alarm ganap na-1:40 ng umaga at itinaas sa Task Force Alpha ganap na alas-2:54 umaga.
Kapag itinaas sa Task Force Alpha, lahat ng mga firetruck ay kailangan nang rumesponde.
Sa opisyal na Twitter account, sinabi ng UP Journalism Club, na tinatayang 50 firetruck mula sa Quezon City Fire Department at kalapit na mga fire station ang dumating para tumulong na maapula ang sunog.
Sinabi nito na nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ganap na ala-1 ng umaga kahapon, base sa pahayag ng guwardiya na nakatalaga sa gusali na si Franco Naiza.
Sinabi naman ng Philippine Collegian, ang opisyal na student publication ng UP Diliman, na nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag sa Faculty Center at kumalat sa mga mababang palapag.
Ayon pa rito, idineklarang kontrolado na ang apoy ganap na alas-4:40 ng umaga.
Idinagdag ng Philippine Collegian na sinabi ni UP Diliman Chancellor Michael Tan na hindi umabot ang sunog sa unang palapag ng gusali bagamat hindi na nagpapasok dito dahil sa banta ng posibleng pagguho ng mga nasunog na palapag.
Matatagpuan sa Rizal Hall o Bulwagang Rizal ang opisina ng mga departamento kagaya ng College of Arts and Letters (CAL) at mga faculty room ng College of Social Sciences and Philosophy. Nasa Rizal Hall din ang UP Creative Writing Center.
“The faculty center is gone. Lost many books, furniture pieces from my parents and grandparents, paintings from friends and former students, precious memorabilia. sic transit gloria mundi,” sabi ni poet-professor at UP assistant vice president for public affairs Jose Wendell Capili sa kanyang opisyal na Facebook account.
Samantala, sinabi ng administrasyon ng UP sa isang advisory na sinuspinde ang mga klase sa CAL.
Idinagdag nito na nagpatuloy naman ang klase sa unibersidad.
Noong 2015, sumiklab din ang sunog sa food center ng College of Arts and Sciences Alumni Association (Casaa) noong Hunto at sinundan ito ng sunog sa UP Alumni Center noong Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.