Nakiiyak ang mga manonood sa nakaraang episode ng Primetime Bida series na The Story Of Us kung saan nalaman na ni Tin (played by Kim Chiu) na namatay na ang kanyang kapatid na may Down syndrome.
Maraming pumuri sa akting ni Kim bilang si Tin nang ibalita sa kanya na patay na ang kapatid na si Darwin, para kasi siyang pinagsakluban ng langit at lupa nang mga oras na ‘yun dahil magkaroon din sila ng pagtatalo ng kanyang boyfriend na si Macoy (Xian Lim).
Mahirap itawid ang ganu’ng emosyon pero nabigyan nga ito ng justice ni Kim.Dito na rin nagdesisyon ang dalaga na bumalik na gn Pilipinas matapos ang ilang buwang pananatili sa Amerika kasama ang kanyang tunay na ina (Zsa Zsa Padilla) na walang ginawa kundi ang dakdakan siya sa kanyang mga sablay na desisyon sa buhay.
“Uuwi na ako sa Pilipinas,” sabi ni Kim sa kanyang madrasta na si Carmy (Aiko Melendez). “Dalawa tayong maglilibing kay Darwin. Tayo lang naman ang magdadamayan hindi ba, nay?” Ang gumanap na Darwin sa nasabing serye ay si Bryan Angelo Andres na totoong may Down syndrome.
Siya ay kapatid sa tunay na buhay ng Kapamilya actress na si Sofia Andres. Sa maikling panahon na napanood si Darwin sa The Story Of Us marami nang viewers ang nagmahal sa kanyang karakter. Kaya naman halos lahat ng nakapanood sa episode na ‘yun ay nalungkot at napaluha.
Bukod dito, marami ring naka-relate sa eksena nina Zsa Zsa at Kim kung saan sinabi ng Divine Diva na huwag na siyang umuwi ng Pilipinas at ipunin na lang ang ibibili nila ng plane ticket para mas malaki ang maipadala niya sa kanyang madrasta.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng The Story Of Us, mas titindi pa ang pagdaraanang pagsubok ng relasyon nina Tin at Macoy, unti-unting mawawasak ang kanilang pagsasama nang dahil sa selos.
Hindi na kasi makontrol ni Tin ang kanyang galit at inggit dahil sa pagiging close ni Macoy sa kababata at katrabaho nitong si Antoinette na gagawin naman ang lahat para maakit ang binata at maagaw nang tuluyan kay Tin.
Napapanood ang The Story Of Us pagkatapos ng Dolce Amore sa ABS-CBN Primetime Bida sa direksiyon ni Richard Somes.