INAASAHAN ang pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng kasong kriminal laban kay Sen. Joseph Victor Ejercito at 19 na opisyal ng San Juan City kaugnay ng maanomalya umanong pagbili ng baril nong 2008.
Kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at technical malversation ang isasampa sa Sandiganbayan laban kay Ejercito na alkalde ng lungsod ng isagawa ang transaksyon na nagkakahalaga ng P2.1 milyon.
Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsasampa ng kaso noong Disyembre.
Inapela ng mga akusado ang desisyon ng Ombudsman subalit ibinasura ito.
Ayon sa Ombudsman nagpasa ng ordinance ang Sangguniang Panlunsod noong 2008 upang payagan ang pagbili ng tatlong K2 cal. 5.56mm sub-machine guns at 17 Daewoo model K1 cal. 5.56mm sub-machines guns.
Kinuha umano ang pondo sa pera na nakalaan sa kalamidad kaya nagkaroon ng paglabag.
Kuwestyunable rin umano ang pagbili ng mga baril na hindi dumaan sa public bidding kaya posible na mayroong napaborang kompanya na ikinalugi ng gobyerno.
MOST READ
LATEST STORIES