KAHAPON ay kaarawan ni Davao City Mayor at presidential candidate Rody Duterte.
Pero gaya ng nagdaang mga taon, hindi ipinagdiwang ni Duterte ang kanyang birthday; nagtago siya sa kanyang mga kaibigan.
Ang mga malalapit na kaibigan na lang niya ang nag-sponsor ng isang party para sa mga cancer patients sa lungsod kung kanino malapit ang puso ng mayor.
Minsan, sinabi sa akin ni Digong—palayaw sa kanya ng mga kaibigan—na hindi siya nagpa-party dahil ayaw niyang tumanggap ng regalo sa kanyang mga well-wishers.
“Ayaw ko namang mapahiya ang mga taong magbibigay ng regalo sa akin dahil hindi ko talaga tatanggapin,” ani Duterte sa akin.
Ang hindi pagtanggap ng regalo ni Duterte ay napunta na rin sa kanyang pangangampanya sa pagka-Pangulo: hindi siya humihingi o tumatanggap ng campaign contributions.
Yan ang dahilan kung bakit kulang sa pera ang kanyang kampo.
Tingnan mo na lang ito: Malumanay na tinanggihan ni Duterte ang mga alok na campaign contribution ng ilang malalaking kumpanya na may mga contractual workers.
Isa sa mga pangako ni Duterte kapag siya’y nanalo ay aalisin niya ang contractualization.
Sa ilalim ng contractualization, ang kontrata ng manggagawa ay nagtatapos tuwing anim na buwan.
Ang tawag ng mga contractual employees kapag patapos na ang ikaanim na buwan ay endo, short for “end of contract.”
“Nakakaawa ang mga contractual workers, Mon, because they don’t have security of tenure,” sinabi sa akin ni Digong.
Tinanong ko si Digong kung paano niya masusustini ang kanyang pangangampanya hanggang May 9, araw ng eleksiyon, sa kakulangan niya ng pera.
Kailangan niyang bigyan ang mga watchers ng P200 kada isa – yan ay napakababang halaga – para sa bawa’t presinto para sa kanilang pananghalian at hapunan sa araw ng halalan.
May 95,500 clustered precincts sa buong kapuluan at ipagpalagay natin na 10 watchers ang ilalagay sa bawa’t presinto.
Sa P200 kada isang watcher at 10 watchers kada presinto, at ang bilang ng presinto ay 95,500 sa buong bansa, kakailanganin ni Duterte ng P1.9 billion—repeat, billion—sa araw ng eleksiyon lang.
Walang ganoong pera si Duterte; wala nga siyang pantustos sa mga commercials sa mga TV at radyo.
Dahil kulang siya ng pera, ipinauubaya na lang ni Digong sa Diyos at sa mga botante ang kahihinatnan ng eleksiyon.
Wala pa akong kandidato para presidente na kinakampanya ng matindi na gaya ng ginagawa ko para kay Digong.
Maaaring naiinis na sa akin ang mga editors at publishers ng INQUIRER at Bandera dahil sa ginagawa ko.
Pero alam kong maiintindihan nila ako.
Hindi ko ginagawa ito dahil kaibigan ko si Digong. Ang dahilan na ginagawa ko ito ay tanging si Digong lang ang kandidato na nagbigay ng timetable na sugpuin niya ang krimen at pagkalat ng droga: within six months of his inauguraton.
Bilang isang dating police reporter, alam ko kung gaano kalala ang problema sa krimen at droga.
Kapag hindi nasugpo ang laganap na krimen at pagkalat ng droga ay magagaya tayo sa Colombia at Mexico.
Sa mga nasabing bansa, takot ang mga awtoridad sa mga sindikato ng droga.
Dadalo ngayong araw ang negosyanteng si Kim Wong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee hinggil sa money laundering ng $81 million sa pamamagitan ng Rizal Commercial Banking Corp. o RCBC.
Sinabi sa akin ni Wong, na matagal ko nang kaibigan, na wala siyang itatagong impormasyon sa komite.
Nakilala ko si Kim mula pa noong 1978, nang ako’y police reporter pa sa Manila Bulletin.
Sixteen years old pa noon si Kim at errand boy ng girlie bar sa Ermita, Manila kung saan ako’y madalas na customer.
Sabi ng may-ari ng bar na amo ni Kim, ang kanyang katangian ay ang pagsasabi ng totoo kung siya’y nagkamali.
Napatunayan kong nanatili kay Kim ang ganoong katangian nang kami ay naging kasosyo sa isang restaurant business mga 10 taon na ang nakararaan.
May kasabihan na ang kapatid ng magnanakaw ay sinungaling.
Kung totoo ang kasabihang yan ay dapat paniwalaan si Kim sa kanyang sasabihin sa Senado na wala siyang kinalaman sa pagnanakaw ng $81 million account ng Bangladesh central bank sa New York Federal Reserve.