Angel balik-Singapore para muling magpagamot

KASALUKUYANG nasa Singapore si Angel Locsin at noong Linggo siya umalis para sa follow-up therapy niya.

Matatandaang inoperahan ang aktres nito lang Pebrero para sa ikalawang procedure na inabot ng apat na oras at pagkatapos ay kailangan niyang manatili ng matagal sa hospital para sa therapy niya, pero hindi nangyari dahil pagkalipas ng limang araw ay bumalik siya ng Pilipinas para sa kaarawan ng daddy niya noong Peb. 16.

Sinulat namin dito na muling bumalik ng Singapore ang aktres, pero hindi pala natuloy dahil naging abala na si Angel bukod pa sa hindi rin daw natuloy ang international screening ng “Everything About Her” sa nasabing bansa na dadaluhan din sana niya kaya noong Linggo lang ulit siya nakabalik at hanggang katapusan daw ng Marso mananatili roon ang dalaga.

Samantala, kailangang sumailalim talaga ni Angel sa therapy dahil sunud-sunod daw ang projects nitong nakalinya bukod pa sa magiging live na ang Pilipinas Got Talent Season 5 ngayong Abril para sa semi-finals.

Kasama ba ang “Darna” movie sa mga nakalinyang proyekto ni Angel, ang sunod na tanong namin sa aming source, pero hindi na niya kami sinagot.

Samantala, maraming fans si Angel ang kinilig dahil sa mga eksena nila ni Luis Manzano sa Sunday episode ng PGT5. Alalang-alala kasi ito nang biglang sumakit ang batok ni Angel, kaya ang tanong namin ay kung sila na ulit dahil nga tahimik ang dalawa ngayon at walang balita.

Ang sagot ng aming kausap, “They’re just being civil to each other siguro.”

Ay sayang, akala pa naman namin ay okay na ulit sila. Ikaw bossing Ervin, type mo bang magbalikan ang dalawa? (Sa totoo lang, huwag na. Enough na yung nagbalikan sila sa ikalawang pagkakataon, kasi kung magkakaroon pa ng ikatlo, feeling ko, pagsisisihan na nila talaga! Ha-hahaha! – Ed)

Read more...