NAGSIMULA na ang kampanya ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon mula sa gobernador hanggang sa mga konsehal.
At kasabay nito ang paglabas ng kaliwa’t kanang propaganda, pekeng surveys, mga binayarang pulis, Comelec officers, teachers o ma-ging mediamen na gagamitin ng mga kandidato para matiyak ang kanilang panalo.
Siyempre, nariyan ang lantarang paglabag sa Fair Elections Act na nagsasabing ang kandidato sa pagka-alkalde na may partido ay maaaring gumastos nang hanggang P3 lamang sa bawat botante at kapag independent naman ay pwede siyang gumastos ng P5.
Tandaan natin na si Laguna Governor ER Ejercito ay natanggal sa pwesto dahil gumastos siya ng P6 milyon sa TV commercials gayong ang limit lamang ay P4.5 milyon para sa 1.5 milyong botante sa kanyang lala-wigan.
Kaya naman sa Maynila ngayon kung saan merong 974,479 na registered voters, sina Mayor Joseph Estrada, former Mayor Alfredo Lim at Congressman Ramon Bagatsing ay dapat lang gumastos nang hindi lalagpas sa tig P2.9 mil-yon sa loob ng 45 araw ng kampanya.
Kapani-paniwala ba ito?
Si Mayor Herbert Bautista bagamat walang kalaban ay dapat lang gumastos ng hindi hihigit sa P3.4 milyon dahil 1.1 milyon lang ang botante ng Quezon City.
Ang Kalookan na may 648,933 voters ay tig-P1.9 milyon lang dapat gastusin ng magkalabang sina Oscar Malapitan, Echiverri at Boy Asistio. Parang hindi naman kapani-paniwala.
Alam ng lahat na sa Maynila, Quezon city at Makati, sinumang kandidato sa pagka-mayor ay gagastos nang hindi bababa sa P50 milyon hanggang P70 milyon.
Madali lang sumahin sa Maynila, 36 na konsehal ng anim na distrito, bigyan mo ng tig P.5 milyon campaign fund ay P18 milyon na. Tapos may 1,000 barangay captains, kahit 500 lang sa kanila ang bigyan mo ng tig P50,000, aabot na yansa P25 milyon.
Pano pa yung gastos sa mga rally, election paraphernalia at headquarters? Sa mismong araw ng eleksiyon magastos din.
Halimbawa sa 1000 voting precincts na tig-tatlong watchers (P2,000 bawat isa ), P6 milyon na kaagad, di pa kasama ang support groups.
Bakit sila gumagastos ng ganito kalaki kahit pinagbabawal ng Co-melec? Simple lang po. Namumuhunan sila dahil babalik naman ang gastos mula sa “commission” sa kontrata at iba pang transaksyon sa City hall.
Sa tatlong malalaking syudad sa Metro Manila, ang kikitain kaagad ng mananalong alkalde ay P900 milyon sa tatlong taon, kahit 10 percent lang ang porsyento nila sa basura, infra projects, at mga supplies ng local govt.
May “contribution” pa mula sa mga negosyante.
Ngayon, kaya bang hulihin ng Comelec ang mga local politicians na nag-overspending? Noong 2013 polls, isa lang ang nasampolan, wala nang sumunod.
Hula ko wala nang magpapaanunsyo sa radio at tv kung ayaw nilang matulad kay Ejercito dahil de-resibo nga ito.
Sa ganang akin, pera-pera ang tingin ng mga namumuhunang kandidato sa lahat ng mga botante na akala nila’y mabibili nila ngayong eleksiyon. Kaya nga, tayo’y mag-isip sa pagpili ng ating iboboto lalot bumabaha na ang pera ng mga kandidato sa a-ting mga kapitbahay, opisyal ng baranggay at ilang lider. Marahil, sinseridad, masipag at pagiging makamahirap ng kandidato ang mga panuntunang dapat isipin kaysa pera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.