SA Pilipinas nag-Holy Week si reigning Miss Universe Pia Wurtzbach. Dumating sa bansa ang dalaga noong Biyernes Santo via Eva Air flight BR 217. Nasorpresa nga ang ilang kaibigan at social media followers ni Pia nang mag-post siya sa kanyang social media accounts na nandito na siya sa bansa pagkatapos ng ilang linggong pamamalagi sa New York.
Sa Amerika namamalagi ngayon ang dalaga para sa kanyang mga official duties and responsibilities bilang Miss Universe. Nabigla rin daw ang mga nasa airport nang makita si Pia. Ayon sa NAIA Media Affairs, hindi rin daw ito humingi ng assistance sa kanila para sa kanyang pagdating. Ibig sabihin talagang kaunti lang ang nakakaalam ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Ngunit ayon sa ilang followers ni Pia sa Twitter at Facebook, may idea na sila sa pagbabalik ng Pinay Miss Universe sa bansa dahil sa mga ipinost nitong mensahe kamakailan. Early last week sinabi ni Pia na, “Flying to somewhere warm today. Let the guessing game begin!”
Na sinundan pa ng, “Flying to somewhere warm today. Let the guessing game again.” Na-miss din daw niyang magsuot ng Filipiniana. Wala pang ina-announce kung kailan babalik sa New York si Pia. Ngunit naka-schedule na ang muli niyang pagbabalik sa Pilipinas para sa gaganaping 2016 Binibining Pilipinas pageant.
Ipapasa ni Pia ang kanyang korona bilang Miss Universe Philippines sa mananalo sa grand coronation night sa April 17 sa Araneta Coliseum.