HINDI bababa sa 12 katao ang nasawi at 24 ang nasugatan dahil sa iba-ibang insidenteng naganap sa Luzon ngayong Semana Santa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Labindalawa ang nalunod, 22 ang nasugatan sa aksidente ng sasakyan, isa ang sugatan sa sunog, at isa pa ang naospital dahil muntik malunod, ayon sa tala ng NDRRMC kahapon.
Walong insidente ng pagkalunod ang naitala sa Cagayan, Quezon, Batangas at Ifugao. Karamihan sa mga insidente’y nag-ugat sa pagsi-swimming sa beach at ilog.
Pito ang nalunod sa Batangas, tatlo sa Quezon, isa sa Cagayan, at isa sa Ifugao.
Lima ang pinakamaraming nalunod sa isang insidente, na naganap sa Calaca, Batangas, noong Huwebes.
Nakilala ang lima bilang sina Lorenz Kyle Boa, 11; Jimson Boa, 17; Lazaro Boa, 20; John Joseph Mendoza, 23; at Herminigildo de Castro, 21.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-swimming ang magkakamag-anak malapit sa baybayin ng Brgy. Sinisian, nang di alam na “kantilado” o biglang-lalim ang dagat doon, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Unang nalunod si Lorenz Kyle at sinubukan siyang sagipin ng iba, na pawang mga kamag-anak, pero maging sila’y nalunod, ayon sa pulisya.
Muntik ding malunod ang 15-anyos na si Christian Mark Vergara, pero nakaligtas at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Samantala, umabot sa 17 ang naiulat na sugatan sa iba-ibang aksidente ng sasakyan sa Baguio City, Ifugao, at Kalinga.
Sinundan ito ng tatlong sugatan sa mga aksidente sa Tarlac at dalawang nasugatan sa Quezon.
Sa Baguio City, nagtamo naman ng first-degree burn sa mukha ang bumberong si SFO3 Andres Lipao Jr. habang rumeresponde sa sunog noong Miyerkules.
Inaasahan pang madadagdagan ang bilang ng mga nasawi’t nasugatan bago magtapos ang Semana Santa ngayong araw.
MOST READ
LATEST STORIES