TATANGKAIN makapagkuwalipika ng men’s beach volley pair nina Jade Picaldo at Hachaliah Gilbuena sa gaganapin ngayong taon na 5th Asian Beach Games sa paglahok nito sa isasagawa na Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour sa Thailand at Indonesia.
Nalaman kay beach volley coach Eric LeCain na kanyang hihilingin sa Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) na payagan nito na makalahok ang dalawang manlalaro sa tatlong malalaking torneo ngayong Abril sa paghahangad nito na makatuntong sa prestihiyosong 5th Asian Beach Games na gaganapin sa Na Thrang, Vietnam simula Setyembre 24.
“We are seeking the approval of LVPI president-in-charge Peter Cayco for us to be allowed to compete in this three prestigious event,” sabi ni LeCain.
Matatandaan na ang tambalan nina Picaldo at Gilbuena ang tinanghal na kampeon sa iba’t-ibang mga ginanap na Beach Volley Challenge sa bansa.
Unang sasalihan nina Picaldo at Gilbuena ang SWM AVC Beach Tour Est Cola 1st Satum Pak Bara Open sa Satum, Thailand sa nalalapit na Abril 9-11 bago sundan ng 17th Samla Open sa Songkla, Thailand sa Abril 14 hanggang 18.
Huli nitong sasalihan ang 2016 AVC Beach Volley sa Palembang, Indonesia sa Abril 20 hanggang 23. — Angelito Oredo