ASAM ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na darating ang Philippine Boxing Team sa pinakamagandang kundisyon bago sumabak sa Asia-Oceania Olympic qualifying tournament sa Qian’an, China simula Marso 25 hanggang Abril 2.
“I hope their travel did not take its toll on the boxers’ condition,” sabi ni Garcia na nangangamba sa pisikal na kondisyon ng anim na boksingero ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na sasagupa para sa mailap na silya sa kada apat na taong Olimpiada na gaganapin sa Rio de Janeiro, Brazil.
Matatandaang nagtungo sa Amerika ang 15 boksingero para sa 18-araw na training camp bilang paghahanda nito sa krusyal na qualifying event na katatampukan din ng iba pang bansa na naghahangad na mauwi ang silya para makalahok sa Rio Olympics na gaganapin Agosto 5 hanggang 21.
Inihayag naman ng ABAP ang kanilang simpleng plano para sa anim na boksingero na magtatangkang putulin ang pag-aalinlangan na mabobokya sa unang pagkakataon ang asosasyon ng boksing na makapagpadala ng kalahok sapul na ito ang maging pundasyon ng medalya ng bansa sa Olimpiada.
“Our boxers are focused on being dominant. They should be the ones to carry the fight,” sabi ni ABAP executive director Ed Picson sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate noong Martes.
“The judges are looking for dominance and aggressiveness,” dagdag pa ni head coach Pat Gaspi na kasama rin ang kapwa coach na si Nolito “Boy” Velasco.
Umalis na Miyerkules ng umaga ang koponan na binubuo ng limang lalaki at isang babae patungo sa China na asam masungkit ang pinakamaraming silya sa Rio Olympics.
Ipinaliwanag ni Picson na sa men’s division ay magkukuwalipika ang top three boxers habang sa women’s division ay tanging ang gold at silver medalist lamang ang makakapasa sa Olympics.
Ang dalawang bronze medalists sa men’s dvivision ay magsasagupa sa box-off para madetermina ang ikatlong makakasama sa torneo.
Ang koponan ay binubuo nina light flyweight Rogen Ladon, flyweight Roldan Boncales, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez at welterweight Eumir Felix Marcial sa kalalakihan habang si flyweight Nesthy Petecio lamang sa women’s category.