Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaking nagpanggap na Army general nang magsagawa ng operasyon sa Hermosa, Bataan, kahapon.
Naaresto si Salvador Escobar alyas “Orlando Pablico” dakong alas-7:30 ng umaga sa Brgy. Sacrifice Valley, ayon kay Dir. Victor Deona, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinagawa ng mga elemento ng CIDG-National Capital Region at Army ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest para sa illegal possession of explosives at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Law, sabi ni Deona sa isang kalatas.
Bukod dito, dating nagpanggap si Escobar bilang opisyal ng Army na may ranggong major general, ani Deona.
Noong Nobyembre 2014 ay nasangkot ang grupo ni Escobar sa pangingikil at pamemeke ng military documents, anang CIDG chief.
Napag-alaman din na ang grupo ni Escobar, na binubuo ng ilan pang pekeng opisyal, ay naplano na manggulo habang nasa Pilipinas si Pope Francis noong Enero 2015, ayon kay Deona.