Tiyak na marami ngayong nagpaplano na mag-long drive dahil mahaba-haba ang araw na walang pasok.Bukod sa Semana Santa, marami ring eskuwelahan ang wala ng pasok kaya naman pwede ng maggala.
Pero bago isabak sa mahabang biyahe ang iyong motorsiklo tiyakin muna na nasa kondisyon ito para hindi magka-aberya ang iyong plano. Ipasuri ang inyong motorsiklo. Kung may budget, maaari na magpalit na ang langis at oil filter.
Isabay na rin ang inyong air at fuel filter at idamay na rin ang brake fluid para matiyak na hindi pa ito kulang sa lebel na kailangan. Tignan kung mayroong mga tagas at tiyakin na maaayos ito ng mabuti. Silipin din ang kable ng preno at selinyador at baka malapit na itong maputol gayundin ang kadena (kung motorsiklo) at belt (kung scooter).
Mahalaga rin bago ang long drive na tiyak na gumagana ng maayos ang headlight at signal lights.
Tignan din at baka kalbo na ang iyong gulong at kung tama ang pressure nito. Mababasa sa manual ng gulong o sa sasakyan ang tamang pressure ng hangin nito.
Kung masyadong matigas ay gulong at matalbog ito, at kung kulang naman ang hangin ay dada ito at mahihirapang umandar ng mabilis. Hindi rin masama kung may dala kang tool kit para may magamit sakaling magkaroon ng problema habang nasa daan.
Dahil motorsiklo ang iyong gagamitin, huwag kang magdala ng masyadong maraming gamit. Magsuot din ng angkop na damit lalo ngayon na inaasahan na mainit, magsuot ng may mahabang manggas. Mayroon na ring mga nabibiling manggas lang.
Huwag din kakalimutan ang helmet para sa iyo at iyong angkas. Tandaan na sa ilalim ng batas, dalawa lamang ang pinahihintulutan na sakay ng motorsiklo. Planuhin din ang biyahe at tantyahin kung saang lugar hihinto para mag-banyo o kumain.
Huwag pilitin na ituloy dumeretso kung inaantok na at baka madisgrasya ka pa. At syempre tiyakin na mayroong sapat na gasolina ang iyong tangke. Mahirap magtulak kaya dapat ay kalkulado kung saan maaaring makapagpakarga.
Huwag kakalimutan na hindi lamang kayo ang gumagamit ng kalsada kaya dapat ay maging maingat upang hindi mabangga.