Coco: Sabi ng PNP bumababa ang krimen pag palabas na sa TV ang ‘Probinsyano’!
WALANG balak magbakasyon sa ibang bansa o mag-out-of-town ngayong Holy Week break ang Teleserye King na si Coco Martin. Ayon kay Coco, mas gusto niyang makasama ang kanyang pamilya ngayong Semana Santa at makapagpahinga nang bonggang-bongga.
“Sa bahay lang kasi sabi ko nga pag-umaalis kasi ako, naga-abroad napapagod ka lalo, eh. Siguro ito talaga ‘yung time para makapagpahinga ka at maka-bonding ang pamilya,” sey ng award-winning actor sa isang panayam ng ABS-CBN.
Patuloy na nagdarasal si Coco na sana’y patuloy na subaybayan at suportahan ng mga manonood ang Primetime Bida series nilang FPJ’s Ang Probinsyano, kasabay nito ang abot-langit na pasasalamat dahil nananatili pa ring number one sa ratings game ang kanilang serye.
“Nakakatuwa kasi siyempre nakakapagbigay kami ng inspirasyon sa mga manonood. Kahit paano nakakatulong tayo sa lipunan, nabibigyan ng pag-asa ‘yung mga bagay-bagay na nagiging problema natin sa bansa natin kaya natutuwa din kami kasi siyempre nakakatulong din kami.
“Then sinasabi nga sa amin sa Camp Crame pag nagsu-shooting kami, kapag oras daw ng Probinsyano bumababa ‘yung crime kaya masarap sa pakiramdam dahil kahit paano sa ganong paraan nakakatulong ka,” aniya pa.
Marami pa raw sorpresang handog ang FPJ’s Ang Probinsyano, “Marami pa kasi episodic kami. Marami pa kaming problema o mga kaso na tatalakayin dito. Marami pang artista na mague-guest kaya nakakatuwa kasi ibang experience ang naibibigay namin sa aming mga manood.”
Puring-puri naman nito si Anne Curtis na nakasama nila sa serye for several weeks, “Masaya kasi siyempre marami ka ring pinapangarap na makatrabaho like si Anne talagang sabi ko nga ‘yung experience na nakatrabaho ko siya hindi ko inakalang ganon siya ka professional.
Napakagaan niya katrabaho at napakagaling niyang artista.” Sino pa ang gusto niyang makatrabaho sa numero unong teleserye ngayon sa telebisyon? “Marami pa. Si Angel Locsin, si Bea Alonzo at si Julia Montes.” Wish din ni Coco na makagawa uli ng pelikula this year para sa MMFF 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.