SAN ANTONIO — Gumawa si LaMarcus Aldridge ng 26 puntos at 13 rebounds para sa San Antonio Spurs na dinaig ang Golden State Warriors, 87-79, kahapon para manatiling walong talo sa AT&T Center ngayong season at palawigin ang kanilang home dominance laban sa defending NBA champions sa 33 diretsong laro sa regular season.
Si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 18 puntos at 14 rebounds para sa San Antonio, na nanalo ng 44 diretsong laro sa kanilang homecourt sa regular season at tinapatan ang second-longest streak sa kasaysayan ng NBA. Ang Golden State ay kasalukuyang hawak ng longest regular-season home winning streak sa 50 laro.
Nalimita ng Spurs si Warriors superstar guard Stephen Curry sa 14 puntos kabilang ang 1-for-12 shooting mula sa 3-pointers.
Ang San Antonio (59-10) ay lumapit ng tatlong laro sa Golden State (62-7) para sa top seed ng liga at maghaharap pa ang dalawang koponan ng dalawang beses ngayong season.
Nagawang magwagi ng San Antonio sa bakbakan ng top two teams ng liga kung saan si Tim Duncan ay naglaro mula sa bench sa ikatlong pagkakataon sa kanyang career.
Heat 122, Cavaliers 101
Sa Miami, umiskor si Dwyane Wade ng 24 puntos para malagpasan ang 20,000 puntos sa kanyang career habang si Josh Richardson ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Miami Heat na tinambakan ang Cleveland Cavaliers.
Si Goran Dragic ay nag-ambag ng 18 puntos at 11 assists para sa Miami, si Joe Johnson ay kumana ng 18 puntos at si Hassan Whiteside ay nagtapos na may 16 puntos at 13 rebounds.
Na-outrebound ng Miami ang Cleveland, 42-26, at nakalamang pa ng 33 puntos.
Si LeBron James ay gumawa ng 26 puntos para sa Cleveland. Si Richard Jefferson ay umiskor ng 20 puntos habang si Kyrie Irving ay may 14 puntos para sa Cavaliers.