ASAM ng Philippine Sports Commission (PSC) na gawing makabuluhan ang papalapit na bakasyon hindi lamang para sa mga kabataan kundi pati na sa buong miyembro ng pamilya.
Kaya naman mas lalo pang pasasayahin ng PSC ang isinasagawa nitong family-oriented at local government units based program na Laro’t-Saya sa Parke sa pagsasagawa nito ng “Summer Games” na binubuo ng mga mini-tournament sa libre nitong itinuturong iba’t-ibang sports.
“It will be held in five key LGUs natin na Quezon City, San Juan, Luneta, Kawit at Imus sa Cavite,” paliwanag ni PSC research and planning chief at Laro’t-Saya project manager Dr. Lauro Domingo Jr. “We will have min-tournament sa kung ano iyong mga sports na isinasagawa sa kani-kanilang mga venues.”
Inaprubahan ni PSC chairman Richie Garcia, na brainchild mismo ang programa, ang pagsasagawa ng torneo upang makita ang kinahinatnan ng libreng pagtuturo ng mga basic steps sa napili nitong mga sports na arnis, karatedo, taekwondo, chess, volleyball, badminton, football at ang kinagigiliwan na Zumba-aerobics.
Ipinaliwanag pa ni Domingo Jr. kasama si PSC Executive Director at LSP Project Director Atty. Guillermo Iroy Jr. na susubukan munang maisagawa ang LSP Summer Games sa loob ng limang sunod na Linggo sa buwan ng Abril bago ipatupad sa nagsasagawa rin sa programa sa mga probinsiya.
Una munang magsasagawa ang PSC ng fun run bilang selebrasyon sa National Heroes Day sa Abril 9 bago nito sunod na isagawa ang Laro’t-Saya sa Parke Summer Games.