Susan: May mga qualities si Coco na tulad ng kay FPJ!

coco martin

Hindi ininda ng Reyna Ng Pelikulang Pilipino ang matinding init sa Bacolod nitong weekend nang sa ikalawang pagkakataon ay sumama ito sa kampanya ng anak na si Sen. Grace Poe.

Sa pagbabalik ng biyuda ni Da King Fernando Poe Jr. sa kaniyang tinubuang probinsya ng Negros Occidental, kaagad silang nagtungo ni Grace sa puntod ng kanilang yumaong family friend na si Teresa “Tessie” Ledesma Valencia sa Silay City.

Si Tessie na isang haciendera ang nagbigay kina FPJ at Susan ng batang si Grace u-pang kanilang ampunin. “Pagbibigay galang, kasi kung walang Tessie Valencia, hindi magiging parte ng pamilya namin si Grace,” sey ni Susan na kilala ngayon bilang Lola Kap ni Coco Martin sa ABS-CBN teleserye na FPJ’s Ang Probinsyano.”

“Siyempre maraming alaala, magagandang alaala, noong sanggol pa lang si Grace kasama pa namin siya noon,” dagdag pa ng movie queen. Napunta ang batang si Grace kay Tessie dahil sa mga Valencia namamasukan noon si Sayong Militar na siyang unang nakakita kay Grace nang iwan ito sa simbahan ng Jaro sa Iloilo noong Set. 3, 1968.

Sinamantala na rin ni Ms. Susan ang pagkakataon upang umikot sa mga palengke at simbahan sa probinsya ng Negros Occidental. Natutuwa nga raw ang award-winning actress dahil Lola Kap na rin ang tawag sa kanya ng mga tao.

Sabi nga ng aktres para na raw niya talagang tunay na apo ang bida sa serye na si Coco Martin. Bilib na bilib daw siya sa dedikasyon ng Teleserye King sa trabaho at nakikita rin niya kay Coco ang ilang qualities ni FPJ pagdating sa trabaho.

Noong nakaraang buwan, sumama rin si Lola Kap sa Iloilo na aniya ay espesyal sa kaniya dahil doon ipinanganak si Grace. Nauna nang sinabi ng veteran actress na lagi pa rin niyang ipinagdarasal na makita na ng senadora ang tunay niyang magulang.

 

Read more...