Solo liderato asinta ng Meralco Bolts vs Blackwater Elite

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Meralco vs Blackwater
7 p.m. Globalport vs Star

Team Standings: Meralco (5-2); Alaska (5-2); San Miguel Beer (4-2); Rain or Shine (4-3);  Barangay Ginebra (4-3); Star (3-4); Blackwater (3-4); NLEX (3-4); Mahindra (3-4); Tropang TNT (3-4); Phoenix Petroleum (2-4); Globalport (2-5)

MAKABANGON buhat sa dalawang sunod na pagkatalo at makuha ang solo liderato ang puntirya ng Meralco Bolts sa pagsagupa nila sa Blackwater Elite sa kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round game ngayong alas-4:15 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang salpukan ng Meralco (5-2) at Blackwater (3-4) ay susundan ng bakbakan sa pagitan ng Globalport Batang Pier (2-4) at Star Hotshots (3-4) dakong alas-7 ng gabi.

Makabangon buhat sa kabiguang pinalasap ng Beermen (94-86) at Road Warriors (104-99) ang pakay ng Bolts sa pagharap sa Elite na manggagaling sa pagkatalo kontra Barangay Ginebra Kings (89-79) noong Linggo.

Sasandigan pa rin ni Meralco coach Norman Black si Arinze Onuaku, na may team leading 20.57 puntos, 19.43 rebounds at 1.57 blocks, para pamunuan ang koponan.

Makakatuwang naman ni Onuaku sina Chris Newsome, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Baser Amer at Jimmy Alapag para makabawi ang Bolts.

Aasahan naman ni Blackwater mentor Leo Isaac sina Carlo Lastimosa, MJ Rhett, Reil Cervantes, Arthur dela Cruz at Mike Cortez para pangunahan ang Elite.

Ikatlong diretsong panalo ang asinta naman ng Hotshots na magbubuhat sa pagwawagi kontra Tropang TNT Tropang Texters (96-88) at Phoenix Petroleum Fuel Masters (91-75).

Ang dumadausdos na Batang Pier ay magmumula naman sa apat na sunod na pagkatalo mula sa San Miguel Beermen (120-109), Meralco (96-88), Blackwater (115-103) at Alaska Aces (103-101).

Read more...