HINDI itinanggi ni Karla Estrada na kabado siya sa nalalapit niyang first major concert na gaganapin sa KIA Theater sa Abril 30 na may titulong “Her Highness: The Queen Mother In Concert” produced ng Cornerstone Concerts at Aqueous Events and Smoovetimes Productions supported ng MYX, ABS-CBN Interactive.
Bagama’t dating kumakanta-kanta na si Karla ay hindi naman siya nakakapag-show sa malalaking venue.
“Six years ago, sa isang maliit lang na venue, I used to sing naman talaga ng special shows, pero hindi ‘yung ganito na medyo may kalakihang venue na maraming tao.
“Kaya nu’ng ialok sa akin itong show, I immediately say ‘no’, sabi ko ayaw ko kasi hindi ako handa, wala akong praktis. Ako kasi maski na maliit ang venue kung ang sasabihin naman ng tao ay, ang ganda ng show, ang ganda ng boses mo, masaya ‘yung show, pero nu’ng tinanong ako, sabi ko hindi ako handa.
“Ang tagal ko ng hindi kumakanta ng marami, paisa-isa lang. Iba kasi pag marami, endurance kasi ‘yun, dapat kayanin mo, hindi ka hihingalin, kahit love songs lang ang isang kanta, nakakahingal ‘yun.
“Napapayag lang nila ako nu’ng inupo nila ako at nilatag sa akin kung ano ‘yung mangyayari, ganito-ganyan at in-assure naman nila na hindi naman ako lahat ‘yung kakanta. Ibig sabihin mga four songs lang ako, charot!” natatawang kuwento ni Karla.
Sa edad na nuwebe ay kumakanta na raw si Karla sa Tacloban (City), “Siguro lahat ng kumakanta lalo na nu’ng bata na pangarap nilang magkaroon ng concert,” balik-tanaw ng singer.
At bilang paghahanda sa nalalapit niyang show, “Panay ang exercise ko ngayon kasi ang diaphragm natin kapag hindi na-practice, nauubusan ‘yun ng air, so may certain exercises para maging maayos ‘yung breathing mo when you sing.”
Samantala, ngayong nakapirma na sa ABS-CBN si Karla ay inamin niyang nasa alapaap pa rin siya dahil pagkatapos daw ng Your Face Sounds Familiar Season 1 ay sunud-sunod na ang guestings niya sa Kapamilya network.
“Gusto ko lang naman talagang mag-enjoy kasi tawang-tawa sa akin ‘yung mga tao, sa totoong buhay ganito kasi talaga ako. Kapag nakausap n’yo ‘yung mga kaibigan ko nu’ng araw pa, tawang-tawa talaga sila kasi ganito talaga ako, masayahin lang ako, so hindi ko alam na nakita nap ala ‘yun ng network ko na the uniqueness side of me.
“May uniqueness silang nakita kaya sabi ko, e, bakit hindi kung nakakapagpasaya, sige po (nu’ng alukin siya ng kontrata),” kuwento ni Karla.
May offer bang talk show kay Karla na ipapalit sa timeslot ng Kris TV.
“Wala, ganito lang naman ako, maingay lang ako, pero wala ako ‘yung ganyan, siguro dahil din sa nagre-require ‘yun ng malalim na pinag-aralan, ibig kong sabihin kung ano lang ‘yung kaya kong gawin at ang kaya kong gawin ay patawanin at magbigay ng saya talaga.
“Marami rin naman akong alam na pupuwedeng hindi rin alam ng iba, but definitely, hindi ako narito para palitan ang isang show, wala akong ganu’n. Tapusin na natin ‘yung kay mareng Kris (Aquino) kasi nakakatawa at nakakahiya sa kanya. Ang layu-layo at napakatalino ng babaeng iyon,” paliwanag ni Karla.
Travel show daw talaga ang gusto ni Karla dahil, “Gusto kong puntahan ang lahat ng sulok ng Pilipinas kasi ang dami ko pang hindi natin nalilibot, gusto ko ‘yung super-masa, affordable na makaka-discover na puwede kang mag-overnight ng dalawang piso lang, tapos ang kakainin mo mga kwek-kwek kasi mas masaya ako sa ganu’n.”
At sa tanong namin kung seryoso si Karla na gawin ang spoof ng “Darna” na bibigyan ng working title na “Barna”, “Naku si Viceral (Vice Ganda) ang nagbigay sa akin na Darna na si Barney, oo di ba, nakakatawa! Sana iwasan lang natin ulit ang paglilipad, iwasan natin ang mga crash landing.
“So, oo, nakakatuwa ‘yun kaya imbes na bato (ang lulunukin), siopao ang isusubo. So, gusto ko ‘yung Barna,” natatawang sabi ng aktres.
Napapanood pa rin si Karla sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime bilang hurado at sa bagong comedy show ng Cine Mo sa Sky Cable kasama si Bayani Agbayani. Abangan na lang natin ang susunod na show niya very soon.