Pangasinan Gov. Espino, iba pa kinasuhan sa black sand mining

Amado-Espino-Jr.-298x224
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kay Pangasinan Gov. Amado Espino Jr., at 10 iba pa kaugnay ng umano’y iligal na black sand mining noong 2011.
Kasama ni Espino sa kaso sina Rafael Fontelera Baraan, provincial administrator; at mga board of directors ng Alexandra Mining and Oil Ventures Inc., na sina Cesar Estayan Detera, Edwin Tan Alcazar, Lolita Detera Bolayig, Denise Ann Sia Kho Po, Annlyn Pujol Detera, Cynthia Detera Camara, Glenn Subia at Emiliano Ferrer Buenavista.
Nagsabwatan umano ang mga akusado upang makapagmina sa Brgy. Sabangan sa Lingayen Gulf Pangasinan. Ang naturang kompanya ay hindi rehistrado sa Philippine Contractors Accreditation Board, walang business permit at walang clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources.
Sa hiwalay na kaso, kinasuhan muli sina Espino, Baraan at sina Alvin Lagrinad Bigay, Provincial Housing and Homesite Regulation officer; at mga board of directors ang Xypher Builders Inc. na sina Michael Pacheco, Gina Prado Alcazar, Avery Lustestica Pujol, Cynthia Detera Camara at Lolita Detera Bolayog.
Ang mga nakuhang mineral ng Alexandra Mining ay ibinenta umano sa Cypher Builders Inc., ng China. Umabot umano ito sa halagang P10.7 milyon.

Read more...