Poe napikon, tumanggap daw ng P150M mula sa Macau
Nagtitimpi na lamang umano si Sen. Grace Poe sa mga kasinungalingang alegasyon na ipinaparatang sa kanya.
Ito ang sinabi ni Poe kahapon matapos na lumabas ang balita na nagbigay sa kanya ng P150 milyon donasyon ang SunCity Holiday resort, isang kompanya na nakabase sa Macau at pagmamay-ari ng isang Alvin Chau, na isa umanong paglabag sa batas.
“Alam mo, ako talaga ay nagtitimpi lang ha, pero ‘yung mga ginagawa nilang ganyan sa tingin ko dapat managot na rin sila sa batas,” ani Poe.
Sinabi ni Poe na hindi totoo ang alegasyong ito at alam umano niya na labag ito sa batas kaya hindi niya gagawin.
“First of all, that is absolutely not true, ‘yung inilalabas nilang dokumento talagang,” ani Poe na nangampanya sa Iloilo City kahapon. “Pero, sige, kampanya ito; gusto nilang gawin ‘yan…..Unang-una, malinaw na malinaw ‘yan sa batas, wala akong tinatanggap na ganyan.”
Ayon sa ulat, isa sa mga voucher ay mayroong pirma na ‘kamukha’ ng pirma ni Poe.
“Ang dali naman na kumuha ng ibang dokumento para papirmahan. Hindi talaga… At talagang nakakalungkot nga…” dagdag pa ng senadora. “Sana naman, sa ating mga kababayan, doon na tayo tumutok sa mga programa na makakatulong sa mahihirap, sapat na kita at trabaho para sa kanila. Ito ay walang katotohanan at hinahamon ko na sila.”
Nauna rito ay inakusahan si Poe na gumamit ng Social Security Number ng isang patay sa Amerika.
Ayon kay Poe ang naturang numero ay ang kanyang student number ng mag-aral siya sa Boston College.
Wala umanong dahilan para gumamit siya ng pekeng SSN dahil legal ang kanyang pag-aaral at pagtira sa Estados Unidos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.